Bahagyang tumaas ang water level ng La Mesa Dam sa Quezon City bunsod ng naranasang malakas na pag-ulan, nitong Miyerkules.
Ayon kay National Water Resources Board (NWRB) executive director Sevillo David, Jr., malaki ang naging ambag ng pag-angat ng lebel ng tubig ng dam ang naranasang malakas na pag-ulan. Mula sa dating 68.45 metro nitong Miyerkules, umabot na sa 68.55 metro ang tubig nito, kahapon.
Aniya, ito na ang unang insidente ng pag-angat ng water level ng nasabing water reservoir kung saan naitala ang 21-year low level nito, noong nakaraang Marso 14.
Salungat naman ito sa nararanasan ng Angat Dam sa Bulacan na patuloy na bumababa ang tubig nito sa kabila ng isinagawang cloud seeding activities, nitong Miyerkules.
Sinabi naman ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na kinakailangan pang maghintay ng ilang araw upang maramdaman pa ang epekto ng malakas na pag-ulan, kabilang na ang cloud seeding operations.
Kaugnay nito, maliit lamang ang pag-asang mabuo bilang bagyo ang isang low pressure area (LPA) na pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR), kahapon.
Sa abiso ng PAGASA, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 1,025 kilometro silangan ng Surigao City, kahapon ng umaga.
Inihayag ng PAGASA, hindi na inaasahang maapektuhan ng LPA ang bansa dahil posible itong malusaw anumang oras.
Sa abiso ng ahensiya, makararanas ng maulap ngunit kalat-kalat na pag-ulan ang bahagi ng Central at Southern Luzon, Bicol Region, at ang lalawigan ng Cagayan at Isabela bunsod na rin ng frontal system kung saan nagsasalubong ang bugso ng mainit at lamig ng hangin.
Kaugnay nito, binalaan din ng PAGASA ang mga residente dahil sa posibleng flashflood at landslide sa nabanggit na mga lugar.
Ipinahayag pa ng PAGASA, madalas na nararanasan ang malalakas na pag-ulan, lalo na sa dakong hapon o gabi bunsod na rin ng papalapit na southwest monsoon o panahon ng habagat na madalas na nararamdaman sa huling bahagi ng Mayo o unang linggo ng Hunyo.
-Ellalyn De Vera-Ruiz