NABABAHALA ba kayo sa tuwing kayo’y sasakay sa taxi sa ‘di pamilyar na lugar?
Dahil sa mga napapanood nating balita sa telebisyon at napapakinggan sa radyo, talaga namang mapapraning ka sa mga krimen na nangyayari sa Metro Manila.
Nagkalat pa rin ang mga mapansamantalang driver ng mga pampublikong sasakyan, partikular na ang mga ordinaryong taxi.
Bagamat nagsulputan na ang mga ride-hailing app-based taxi katulad ng Grab, patuloy ang mga driver ng mga ordinary taxi sa kanilang mapang-abusong serbisyo sa mga pasahero.
Nand’yan ang sobrang singil, pangongontrata, o kaya ay inililigaw ang pasahero upang lumaki ang bayarin nito base sa nakasaad sa metro.
Maiimbiyerna rin kayo sa mga taxi driver na barumbado magmaneho, na halos hindi ka na makapag-relax o makatulog sa biyahe dahil mabigat ang paa nito sa silinyador at preno.
Mayroon ngang identification (ID) card ang barumbadong driver kung saan nakasaad ang hotline ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), subalit subukan ninyong tawagan ang ahensiya at malaki ang posibilidad na walang sumasagot ng telepono.
Ganito kami sa Metro Manila. Paano kayo sa Davao City?
Kamakailan ay muling nakabalik si Boy Commute sa Davao City, upang dumalo sa pagbubukas ng Harley-Davidson showroom.
Sa tuwing siya ay bumabalik dito, kapansin-pansin ang malaking pagbabago sa mga imprastruktura, tourist spots at commercial center.
At dahil dumadagsa, hindi lamang ang mga turista kundi maging mga mamumuhunan sa Davao City, malaki ang itinaas ng halaga ng real estate sa siyudad.
Laking tuwa ng mga Davaoenos sa pamamalakad ni Davao City Mayor Sarah Duterte. Batid natin na karamihan sa mga istilo ng pamamahala ni Mayor Sarah ay minana niya sa kanyang ama, si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ilang dekada ring naging alkalde ng Davao si Digong, at malaki ang nagawa nito sa pagdidisiplina sa mga mamamayan sa lugar.
Isa sa mga saludo kay Duterte ay ang taxi driver na si Ben Lorenzo, Jr. Tubong-Cagayan de Oro City si Mang Ben, ngunit pinipili niyang manirahan nang permanente sa Davao City dahil napakaayos at tahimik sa naturang siyudad.
Taun-taon, ang mga taxi driver na tulad ni Mang Ben ay nagtutungo sa Davao City Hall upang sumailalim sa road safety seminar. Kapag nakumpleto nila ang isang araw na seminar ay may bitbit pa silang grocery items mula kay Inday Sarah.
Subalit kung marami ka namang traffic violation, hindi ka makatutuntong sa City Hall.
O magtataka pa ba kayo bakit dumadagsa ang mga turista sa Davao City?
-Aris Ilagan