Mga Laro Ngayon

(Ynares Sports Arena)

12:00 n.t. -- Metropac-San Beda vs Marinerong Pilipino

2:00 n.h -- Batangas-EAC vs Petron-Letran

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

4:00 n.h. -- Che’Lu Bar and Grill vs AMA Online Education

MAKABALIK sa winning track upang patuloy na palakasin ang tsansa nilang umabot sa playoff ang tatangkain ng Petron-Letran ngayong hapon sa pagsabak nila kontra Batangas-EAC sa pagpapatuloy ng 2019 PBA D League sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Magtutuos ang dalawang koponan ganap na 2:00 ng hapon kasunod ng pambungad na laro ganap na 12:00 ng tanghali sa pagitan ng Metropac-San Beda at Marinerong Pilipino.

Kasalukuyang nasa ikatlong puwesto ng Aspirants Group hawak ang barahang 5-3 kasalo ng Go-for-Gold-CSB ang Knights kasunod ng Ironcon-UST at St.Clare College-Virtual Reality na may markang 5-2.

Sisikapin nilang makabangon buhat sa natamong 87-107 na kabiguang natamo nila sa kamay ng Go-for-Gold noong Mayo 2.

Liyamado sila kontra Generals na laglag na sa kontensiyon sa taglay nitong barahang 2-6.

Gaya ng Knights, pagbangon din buhat sa natamong kabiguan sa huli nilang laban ang target ng Metropac-San Beda sa pagharap nila sa Marinerong Pilipino na hangad namang patuloy na buhayin ang tsansang makahabol sa top 4 ng Foundation Group.

Bigo ang Movers sa kamay ng Valencia City-San Sebastian noong Martes ng hapon, 92-96 na nagbaba sa kanila sa ikalawang puwesto ng Foundation Group taglay ang barahang 6-2.

Lubha namang malalim ang tatangkaing ahunin ng Skippers sa kinalalagyan nitong ikalimang posisyon hawak ang kartadang 3-4 upang umabot ng playoff round.

Samantala sa huling laban, palalakasin ng Chelu Bar and Grill ang pag-asang maangkin ang isa sa tatlong nalalabing playoffs berth sa Aspirants Group sa pagsagupa nito sa AMA Online Education (2-4)sa tampok na laban ganap na 4:00 ng hapon.

-Marivic Awitan