HINIMOK ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga organizers ng taunang Metro Manila Film Festival (MMFF) at ang film producers na magsumite ng mga “de-kalidad at makabagong” pelikula na ipagmamalaki ng mga Pilipino.
Ito ay makaraang magpaabot ng pagbati ang ahensiya sa MMFF 2018 entry na Rainbow’s Sunset, na humakot ng parangal sa 52nd WorldFest International Film Festival sa Houston, Texas, kamakailan.
Nagpaabot ng pagbati si MMDA at MMFF Chairman Danilo Lim sa mga nasa likod ng Rainbow’s Sunset dahil sa pagtataas ng mga ito ng bandila ng industriya ng pelikula sa bansa, kasabay ng paghamon sa mga sasali sa film fest ngayong taon na patuloy na mag-produce ng mahuhusay na pelikula.
“Umaasa akong hindi ito ang una at huling pagkakataon na mananalo tayo sa mga international film festivals, at sana ay mas maging matagumpay pa ang ating mga pelikula sa hinaharap,” sinabi ni Chairman Danny sa pulong balitaan sa tanggapan ng MMDA sa Makati nitong Martes.
Bilang parangal, ginawaran ng mga plaque ang direktor ng pelikula na si Joel Lamangan, na nanalo ng Special Jury Prize; ang screenwriter na si Eric Ramos, na nanalo naman ng Gold Remi Award for Best Story Innovation; at ang mga bida ng pelikula na sina Eddie Garcia at Tony Mabesa, na kapwa itinanghal na Best Actor.
“Inaasahan naming makakatanggap kami ng de-kalidad at makabagong mga entries para sa MMFF sa taong ito—mga kakaibang istorya na makapukaw-damdamin, hindi lang ng mga Pilipino kundi maging ng mga dayuhan,” anang MMDA chief.
Ang deadline sa pagsusumite ng entries sa script format para sa MMFF 2019 ay sa Mayo 31, habang sa Hulyo 15 naman ang deadline para sa short film student competition. Sa Setyembre 20 ang deadline ng entries para sa finished film format.
“Patuloy na susuportahan ng MMDA at ng MMFF ang ating mga pelikula at filmmakers para mailagay sa mapa ng global filmmaking industry ang bansa,” ani Lim.
-BELLA GAMOTEA