INAANTABAYANAN na ng mundo ang resulta ng pagpupulong ngayong araw sa pagitan ng mga opisyal ng Amerika at China sa Washington, DC, hinggil sa hindi maresolbang trade war sa pagitan ng US at China, na nakaapekto na sa mga ekonomiya ng bansa sa mundo, kabilang ang Pilipinas.
Nitong nakaraang Linggo inihayag ni US President Trump na handa siyang muling itaas ang taripa ng US sa $200 bilyong halaga ng mga produkto galing China kung walang mahalagang mapuntahan ang pulong ngayong araw. Isang naunang pagpupulong ang idinaos sa Beijing, na inilarawan ni US Treasury Secretary Steven Mnuchin na “productive”, bagamat kalaunan ay sinabi ni US Trade Represetative Robert Lighthizer na tila umaatras ang China sa mga nauna nang napagkasunduan.
Ito ang maaaring paliwanag sa bagong banta ni President Trump na pagtataas ng taripa sa mga produktong China—mula sa kasalukuyang 10 porsiyento patungong 25%. Sinabi rin ng pangulo na ikinokonsidera niya ang pagpapataw pa ng 25% taripa sa $325 bilyong iba pang produkto mula China—na malinaw na sumasapol sa lahat ng mga produktong dinadala sa US mula China.
Naapektuhan na ng US-China trade war ang pandaigdigang kalakalan, lalo’t umaangkat at nagluluwas din ang dalawang bansa sa iba pang maraming bansa. Dahil sa palitan ng taripa sa kanilang trade war, nagdurusa rin ang kanilang mga mamamayan mula sa pagtaas ng presyo ng mga produkto.
Malinaw na ang pakay ng US ay mapababa ang ‘trade deficit’ sa China. Tila nagiging maayos naman ang daan sa pagkamit ng dalawang bansa ng isang kasunduan na magbibigay ng wakas sa kanilang trade war. Ngunit ang panibagong pagbabanta ni President Trump ay nangangahulugan ng panibagong problemang maaaring lumitaw.
Tayo at ang mundo ay maaari lamang umasa na maaayos na ng dalawang dambuhalang bansa ang kanilang mga hindi pagkakaunawaaan na nagiging hadlang upang matuldukan ang kanilang trade war. Kaya naman patuloy nating tututukan ang mga pagbabago sa pulong ng kanilang mga opisyal sa Washington ngayong araw.