Ilang araw bago ang eleksiyon sa Lunes, nanawagan ang Department of Interior and Local Government sa publiko na iulat sa Commission on Elections, Philippine National Police, o National Bureau of Investigation, ang anumang paraan ng vote-buying sa inyong lugar.
Ito ang apela ng DILG alinsunod sa direktiba ng Comelec Task Force Kontra Bigay, na naniniwalang mahalaga ang pakikipagtulungan ng publiko sa pagkakaroon ng maayos, tapat, at payapang halalan.
Ang interagency na Task Force Kontra Bigay ay pinamumunuan ng Comelec, katuwang ang DILG, PNP, NBI, at Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Tinukoy ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na napakarami ng natatanggap nilang reports tungkol sa vote-buying at iba pang mga paglabag ngayong eleksiyon, at dahil labis nang nakaaalarma ang dami ng mga sumbong, napagpasyahan ng pamahalaan na itatag ang task force.
Pinalalahanan ni Malaya ang publiko, partikular ang mga botante, na ang pamimili at pagbebenta ng boto ay ipinagbabawal batay sa Omnibus Election Code.
MAKUKULONG
“Mabigat po ang parusa kapag napatunayang bumibili o ipinagbibili ninyo ang inyong boto: pagkakakulong ng hanggang anim na taon at diskuwalipikasyon sa paghawak ng tungkulin sa gobyerno,” ani Malaya.
Sa tulong ng Comelec, gumawa ang DILG ng standard complaint form para sa mga magsusumbong, lalo na mga insidente ng vote-buying.
“Vote-buying is a serious allegation with electoral and criminal liabilities. Hindi po ito report-report lang o tawag tawag lang,” sabi ni Malaya. “If you are serious in reducing vote-buying, then you must fill out this form, swear to it before a notary public, and support your complaint with evidences.”
MAY KURYENTE
Samantala, tiniyak ng pamunuan ng Meralco na handang-handa na sila sa pagdaraos ng eleksiyon sa Lunes, makaraang siguruhin ni Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng kumpanya, na natugunan na ang lahat ng isyu hinggil sa supply ng kuryente, tulad ng “unforeseen, unexpected, at unscheduled na shutdowns”.
May nakaantabay na ring 150 generator sets ang Meralco, na dadalhin ng roving crew at kaagad na maide-deliver sa mga polling at canvassing areas na mangangailangan nito.
Mayroon ding 300 floodlights na naihanda ang Meralco para sa anumang emergency.
DOMINANT PARTY
Kaugnay nito, idineklara ng Comelec na Dominant Majority at Dominant Minority Party ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) at Nacionalista Party (NP), ayon sa pagkakasunod.
Nangangahulugang binibigyan ng karapatan ang dalawang partido na kunin ang ikalima at ikaanim na kopya ng election returns (ERs), ayon sa pagkakasunod, na ilalabas ng vote counting machines.
Ang dalawang partido rin ang tatanggap ng electronically-transmitted precinct results, kukuha ng ikapito at ikawalong kopya ng Certificates of Canvass (COCs), at magtatalaga ng mga official watcher sa bawat polling place at canvassing center.
-Chito A. Chavez, Mary Ann Santiago, at Leslie Ann G. Aquino