“I AM not disqualified. Kandidato pa rin ako. May name is still in the ballot. I can still be voted on. And my votes will still be counted.”
Ito ang ipinahayag ng aktor at San Juan City congressional candidate na si Edu Manzano nang humarap sa mga miyembro ng media, Miyerkules ng umaga, kasama ang kanyang abogadon g s i dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Atty. Sixto Brillantes, matapos na magpalabas ng desisyon ang ikalawang dibisyon ng Comelec na nagdi-diskuwalipika sa aktor para sa May 13 midterm elections dahil sa isyu ng citizenship.
“Hindi matatanggal ang pangalan natin sa balota at mabibilang ang boto sa akin ng mga kababayan natin sa San Juan,” ayon kay Manzano.
Kaugnay nito, nagpahayag ng paniniwala si Manzano na ang kanyang mahigpit na kalaban sa midterm elections na si Cong. Ronnie Zamora ang nasa likod ng pagpapa-diskwalipika sa kanya sa eleksyon.
Sinabi ni Manzano na malinaw na may kinalaman sa pulitika ang isyu lalo na dahil sa mga huling inilabas na survey ay naungusan na niya ang kanyang kalaban.
Ipinaliwanag rin ni Edu na luma na ang isyu at dati nang nagdesisyon ang Korte Suprema na siya ay isang Filipino citizen, at hindi ito maaaring baguhin ng desisyon ng dalawang commissioner lamang ng Second Division ng Comelec.
Aniya, alam nilang may kinalaman sa pulitika ang kaso ngunit nagpasya silang humarap sa media at magbigay ng paglilinaw dahil posibleng mailigaw ng naturang isyu ang mga botante.
Sinabi naman ni Brillantes na kahit may desisyon na ang Korte Suprema sa isyu ay maghahain pa rin sila ng apela o motion for reconsideration sa kaso, maaaring ngayong a r a w , H u w e b e s , hanggang bukas, Biyernes.
Sa taya ni Brillantes, ang desisyon sa kanilang apela ay maaaring mailabas ng Comelec en banc ilang buwan pa matapos ang halalan, at muli naman itong aabot sa Korte Suprema, na una nang nagdesisyong si Edu ay isang Pinoy.
Nitong Mayo 6, diniskuwalipika ng Comelec Second Division si Edu matapos umanong magsilbi sa United States Armed Forces mula 1973 hanggang 1977.
Nag-ugat ang kaso sa petisyong inihain ni Sophia Patricia Gil, campaign manager ni Cong. Ronnie, na kasalukuyang mambabatas ng San Juan at muling kumakandidato sa naturang posisyon.
Mariin namang itinanggi ni Ronnie na may kinalaman siya sa inihaing petisyon ni Sophia laban kay Edu.
“Hindi kailangan ng instruction sa akin. Alam naman nila na hindi dapat tumakbo maski sinong kandidato, maski ako, kung hindi ka qualified,” pahayag nito.
-MARY ANN SANTIAGO