SA ayaw at sa gusto natin, tiyak na magdaraos ng eleksiyon sa Mayo 13. Pipili ang mga Pilipino ng 12 na uupo sa Senado para gumawa ng mga batas. Pipili rin si Juan dela Cruz ng mga kongresista, gobernador, mayor at iba pang lokal na opisyal. Ang mga senador at kongresista ang mga mambabatas ngayong 2019. Sana ay hindi sila maging mga Mambubutas o Mambubulsa.
May nagtatanong sa akin kung sa demokrasya raw ay posible ang diktadurya. Tugon kong patanong din: “Ano sa palagay mo ang umiiral na situwasyon sa bansa natin?” Sabad ng kaibigang palabiro-sarkastiko-pilosopo: “May tatlong sangay ang gobyerno--Ehekutibo, Lehislatibo at Hudikatura. Bawat isa ay malaya. Pero ang dalawang sangay ay parang kayang takutin ng isa pa.” Malaman ang opinyon ni kaibigan.
Sa ngayon, malaya pa rin ang pamamahayag sa Pilipinas. Puwedeng magsulat at magsalita ang mamamayan ng kahit ano basta hindi maglalagay sa panganib sa pambansang seguridad. Puwedeng batikusin ang Pangulo, mga senador, kongresista at iba pa. Buhay na buhay ang demokrasya sa Pilipinas.
Magiging walong milyon na pala populasyon ng senior citizens o nakatatandang mamamayan sa PH sa pagtatapos ng 2019. Dumarami ang nagkakaedad ngayon kumpara sa nakaraang ilang dekada. Dahil marami na ngayon ang senior citizens, siniguro ng isang kandidato sa pagka-congressman sa Maynila na muli niyang ibabalik at pasisiglahin ang mga programang may kinalaman sa kagalingan, kabutihan ng mga nakatatanda.
Ayon kay ex-Manila Rep. Benjamin “Atong” Asilo ng First District, ang programang “Labs ko si Lolo, Labs ko si Lola” ay kanyang ibabalik. Naniniwala siya na dapat mahalin at kupkupin ang mga Lolo at Lola na noong kabataan ay malaki ang naimbag sa bayan. Bibigyan niya ng birthday cash gift ang senior citizens para pambili ng gamot at pagkain. Bukod dito, pagkakalooban sila ng financial grant o Christmas bonus bawat taon.
Itinuturing na Kampeon ng Masa, sinabi niyang kapag nakabalik sa Kamara, paiigtingin ang pagsusulong sa edukasyon, kalusugan, pabahay, imprastruktura at maiangat sa kahirapan ang mga taga-Tondo na umano’y nakaligtaan sa nakalipas na tatlong taon. Sa edukasyon, nakapagpagawa siya ng Manila City College para sa mga mag-aaral sa unang distrito at mga gusali at silid-aralan.
Sa punto ng pabahay, nakapagpatayo siya ng 240 units, apat na gusali na may 5 palapag sa Vitas public condominium, pagbibigay ng tirahan sa informal settlers sa bagong mga gusali sa Smokey Mountain at nagpatayo rin siya ng Tahanang Masa.
Sinupalpal ni ex-SAP Christopher “Bong” Go, kandidato sa pagka-senador ng Hugpong ng Pagbabago at PDP-Laban, si alyas “Bikoy” na nag-aakusang sangkot siya sa illegal drugs. Sa presscon ng paglulunsad ng “10 Million Trees Challenge” ng Party-list Luntiang Pilipinas sa Calamba, Laguna, hinubad ni Go ang kanyang T-shirt at ipinakita na wala siyang dragon tattoo bilang miyembro ng sindikato.
Palabiro rin pala ang matapat na alalay ni Pres. Rodrigo Roa Duterte. Walang dragon tattoo ang maputi niyang likod kung kaya sinabi niya: “I’ve answered that before. On my back are PSNBB: pimples, stretchmark, nunal (mole), balat (birthmark), bilbil (fat)”.
Wala ngang nakitang dragon tattoo sa likod ni Bong Go. Marahil ay panahon na rin para maghubad ng t-shirt/polo shirt si ex-Davao City Vice Mayor Paolo “Pulong” Duterte para patotohanan na wala siyang dragon tattoo para naman supalpalin si Sen. Antonio Trillanes IV na nag-akusang meron siya nito bilang tanda na siya ay miyembro ng international drug syndicate.
-Bert de Guzman