NAGKAROON ng cult following ang Ang Kwento Nating Dalawa na originally ay short film project para sa masteral course ng director na si Nestor Abrogena.
Sumikat ito sa moviegoers na maselan ang taste at lumalayo sa formula movies pero gaanong nasagap ng radar ng mainstream entertainment media. Kaya ang agad na itinanong sa presscon ng sequel na Tayo sa Huling Buwan ng Taon ay kung ano ang merit ng una para gawan ng pangalawa ng TBA Studios.
Of course, nakakaintriga ang desisyon lalo na’t kinikilalang pinakamalaking independent film producer ang TBA Studios, ang lumikha ng naging monster hit na Heneral Luna, ng sequel na Goyo: Ang Batang Heneral, Birdshot at maraming iba pang de-kalidad na pelikula.
Paliwanag ni E.A. Rocha, ang isa sa bigwigs ng TBA Studios, nagulat sila sa dumog ng mga estudyanteng nanood sa Kwento Nating Dalawa nang ipalabas sa maliit na sinehang pinatatakbo ng kanilang studio. Kumita ng mahigit dalawang milyong piso, na bihirang mangyari, kaya nagpasya silang ilabas ito sa ilang SM cinemas. Record din para sa kanila ang kinita nitong P6M sa SM teathers.
Insistent demand ng cult followers nito ang nagtulak sa kanila para gawin ang Tayo sa Huling Buwan ng Taon.
Nangyari ang kuwento ng sequel pagkaraan ng limang taon, halos kapareho ng taon simula nang ipalabas ang Kwento Nating Dalawa, at may kanya-kanya nang buhay ang dalawang lovers na naghiwalay sa unang istorya.
Tinatawag na contemplative cinema dahil sa mahahabang eksena sa LRT (galing Santolan hanggang Recto) at biyahe sa taxi, muling tampok sina Nicco Manalo at Emmanuelle Vera. Gumaganap si Nicco bilang aspiring filmmaker na si Sam at writer naman si Vera sa papel ni Isa.
Muli silang nagkita, pero may kanya-kanya nang karelasyon. Maalaga kay Sam ang co-teacher na si Anna (Anna Luna) at devoted naman kay Isa ang dating childhood friend na si Frank (Alex Medina). Susubukin nina Sam at Isa na maging magkaibigan pero hindi maiiwasang muling masanggi ang dati nilang nararamdaman para sa isa’t isa.
“We use mostly ourselves when we portray our characters, that’s why the movie is so authentic,” kuwento ni Nicco. “ We tried to do the movie earlier, but we didn’t do it because Nestor felt we weren’t ready.
Hindi pa hinog. The four years between ‘Ang Kwento Nating Dalawa’ and ‘Tayo sa Huling Buwan ng Taon’ really helped. Kita talaga sa screen kung paano kami binago ng panahon. Of all the characters that I played, dito talaga makikita si Nicco not just as an actor but also as a person. Kung ano ‘yong learnings namin sa four years na lumipas, makikita ‘yon sa pelikula. It really made Tayo and its theme of finding yourself after getting lost authentic and real.”
“I have high hopes that the movie will touch many people,” pahayag naman ni Vera, “ that it will resonate with Filipinos. Because what we are doing is just the regular life of ordinary people who are flawed. There’s no huge plot twists. It is just regular lives. I feel like Filipinos should watch because they can identify with the film.
“I want people, after watching the movie, to reflect on their lives, their actions and how they affect the people around them. Hopefully, we’ll change a lot of people for the better,” dagdag ni Vera.
Ipinapalabas na ang Tayo sa Huling Buwan ng Taon sa mga sinehan sa buong Pilipinas simula kahapon.
-DINDO M. BALARES