Hindi mo pa alam kung saan boboto sa Lunes? Padalhan lang ng direct message ang Comelec sa Twitter.
Gumagawa na ng paraan ang Commission on Elections (Comelec) upang matulungan ang mga botante na mahanap ang kani-kanilang police precinct bago pa ang halalan sa Lunes.
Sa pahayag ng Comelec, ginagamit muna nila sa ngayon ang Twitter para sa nasabing hakbang, dahil hindi pa activated ang precinct finder application sa kanilang website.
“Dear Voters, the precinct finder on our website has yet to be activated. For the mean time, our platform here in Twitter is ready to help you find your polling precincts,” tweet ng Comelec.
Nilinaw ng Comelec na disabled na ang kanilang precinct finder application bago pa maidaos ang eleksiyon noong 2016, makaraang ma-hack ang kanilang website.
Ayon sa Comelec, gamit ang Twitter, kailangang magpadala ang botante ng direct message.
“Just DM us the following full name (include middle name, not initial); locality, where are a registered voter; birth date. For married female voters: kindly send full maiden name plus married family name,” ayon sa Comelec.
Sinabi ng Comelec na maaari ring magsadya ang mga botante sa local Comelec office sa kanilang lugar upang maberipika ang certified voters’ list.
-Leslie Ann G. Aquino