NAKAMIT ng pelikulang Rainbow’s Sunset ang Best Picture award sa ginanap na 52nd WorldFest sa Houston International Film Festival produced ng Heaven’s Best Entertainment.
Sa ginanap na presscon ng MMDA, ang ahensiyang nag-sponsor sa Rainbow’s Sunset sa pagsali nito sa nasabing patimpalak, kitang-kita kung gaano kasaya ng producer na si Ms Harlene Bautista at direktor na si Joel Lamangan kasama ang scripwriter na si Eric Ramos. Dumalo rin ang pangunahing bida sa pelikula na sina Eddie Garcia at Tony Mabesa.
Ayon sa MMDA at concurrent MMFF Chairman na si Mr. Danilo Lim, magtutulungan sila para mapasama ang mga pelikulang Pinoy sa mga international screenings, international film festivals, nang sa gayon ay maipahayag kung gaano kaganda at kagaling ang Filipino films/actors.
Aniya, “We are very proud of ‘Rainbow’s Sunset’ success in the Annual Worldfest. Those awards go to show that Filipino films are indeed world class. The MMDA and the MMFF will continue to back up our local films and filmmakers for the Philippines to have its rightful place in global filmmaking industry.”
Samantala, ayon sa producer ng pelikula na si Ms Harlene, may gagawin na raw ulit silang pelikula na posibleng mapasama sa MMFF dahil nga na-inspire sila lalo sa magagandang feedback at awards na nakuha ng Rainbow’s Sunset.
“Maganda ‘yung team up namin ni Direk, eh, yes, may gagawin na kami, malalaman n’yo rin,” saad ng lady producer.
Ano ba ang naging edge ng Rainbow’s Sunset sa ibang pelikula?
“Kakaiba kasi ang istorya. Istorya nang dalawang matanda na magsasabi ng totoong nararamdaman nila pagdating sa pag-ibig na hindi acceptable sa karamihan. Bukod pa sa ito’y pampamilya, ang problema ng pamilya na nagkaroon ng ganu’n ay para sa lahat, hindi lang sa local audience kundi pati na rin sa international audience,” paliwanag ni Direk Joel.
“Strong message ang gusto naming maipakita sa bawat pelikulang ginagawa namin, so kaya mapili kami sa paggawa, we make sure na magaling ‘yung mga gagawa,” sabi naman ni Ms Harlene.
At nitong darating na MMFF, may planong gagawin ang Heaven’s Best Entertainment na ayon kay Direk Joel ay may mga napili na silang artista, pero hindi pa lang nababasa ang script dahil sinusulat palang ni Eric.
“Isa uling mapangahas na istorya, pinaplano nang husto at sana makasama ulit kami sa MMFF, hopefully makaabot kami sa deadline ngayong May 31,” saad ni Harlene.
Anyway, nakatsikahan naman namin ang writer ng bagong pelikula ng Heaven’s Best Entertainment na si Eric Ramos.
“Minamadali na nga ako ni Direk (Joel) kasi deadline namin sa May 31. Alam mo naman ang writer kapag malapit na ang deadlines saka nagmamadali,” napangiting sabi sa amin.
Isang Bahaghari ang working title ng bagong handog nina Direk Joel at Harlene, ayon kay Eric.
“As of now ‘yan ang title, ‘yung mga artista alam ko nakausap na, hinihintay lang ang script para mabasa, pero nu’ng ikinuwento, nagustuhan kaagad nila, sana matuloy sila,” sabi pa ni Eric.
Ayon kay Eric, ang mga artistang kinausap na ay sina Tirso Cruz III, Nora Aunor at Christopher de Leon.
“Sana hindi magka-problema para ang ganda ng cast,” sambit pa sa amin.
In fairness, ang ganda ng cast. Sana nga matuloy ito dahil tiyak na pag-uusapan ang pelikulang ito dahil nabanggit sa amin ni Eric ang gist ng istorya.
-Reggee Bonoan