TINANONG ko si Arnell Ignacio kung ano ang mahihita niya sa pagtulong sa Juan Movement Party-list?

Natawa si Arnell.

“Wala akong mahihita rito. Gusto ko ito. Naniniwala talaga ako sa gustong mangyari ng Juan Movement Party-list,” sagot niya.

“’Pag ito’y umandar na at kami ay maupo…magkakaroon ng exciting re-awakening sa mga natutulog, nauuhaw sa bayan natin. Mahirap ipaliwanag, pero ang tingin ko kasi kulang na kulang na talaga tayo ng magbibigay ng importansiya kung ano ang tunay na atin.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

“Lahat kasi ng paniniwala, lahat ng sekto, kahit hindi atin niyayakap, kaya tayo magulo,” paliwanag ni Arnell tungkol sa isinusulong ng grupo na pagpapasigla sa pagiging makabayan.

Eh, bakit hindi pa siya sumali sa tatlong nominees ng JMP, as in bakit hindi siya mismo ang kumandidato para kung palarin ay nasa Kamara na siya, at mas marami siyang matutulungan, sa true lang, ‘di ba?

“Galing din ako ng gobyerno. Para namang hindi maganda na ikaw na nasa gobyerno tapos bigla kang tumakbo. Sa akin, noh, ‘yung personal opinion ko lang, para mas maganda, ‘yung prinsipyo na lang nila ang suportahan natin.

“Sa palagay ko, hindi ako bagay na pulitiko. Bagay lang siguro talaga ako ‘yung taga-isip, taga-konek. ‘Yan ang linya ko, eh. Etong mga ito talagang built para magtrabaho sa Congress.”

Ipinakilala rin ni Arnell ang tatlong nominees ng Juan Movement Party-list?

“Si Jun Llave ang first nominee, then Nico Valencia of Mindoro, and Mark Cuado,” ani Arnell.

“Basta don’t forget, number 31 Juan Movement Party-list.”

Pero sakaling mahalal ang grupo sa Lunes, kasama pa rin ba si Arnell sa grupo?

“Kasama nila ako, na lagi nila akong gagamitin na taga-isip, taga-konek. Kasi kaya ako makulit na isama ang show business, kasi dito sa advocacy nila, kailangan talaga ang power of the entertainment industry.

“Kasi ito ‘yung nakakapagpalit ng pananaw, eh. ‘Yung mga artistang iniidolo, kayo na mga nagsusulat. Kayo ‘yung mga merong ano, eh… constant touch sa tao.

Mahirap kasi kung kami lang. Kaya kami kumokonekta sa show business.”

-MERCY LEJARDES