IBA talaga si Sen. Panfilo Lacson kumpara sa ibang mga senador. Hindi siya yuko-ulo at sunud-sunuran sa kagustuhan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte. Kapag para sa bayan at mamamayan ang isinusulong ni Mano Digong, kinakatigan niya ito. Pero, kapag sa palagay niya ay dehado ang bansa at ang mga Pilipino, tumatayo siya at naninindigan.
Bilang patunay, kinokontra ni Sen. Ping ang pagtatayo ng Chinese-only restaurants sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Batid niya na makiling at kinakaibigan ni PRRD ang China, ngunit kontra siya sa mga restaurant na maliliit o katamtaman lang ang laki na ang pagsisilbihan ay Chinese nationals lang. Ayon sa kanya, okey ang Chinese investments sa malalaking ventures o negosyo subalit hindi sa small-and-medium enterprises (SMEs).
“Dapat ipasara ng gobyerno ang mga kainan o restaurant at iba pang negosyo na itinayo para lang sa mga Chinese na narito sa bansa,” badya ni Lacson. Tinawagan niya ang Dept. of Trade and Industry, local governments at iba pang mga ahensiya, na gamitin ang kanilang kapangyarihan upang ipagbawal sa Chinese investors mula sa China ang mamuhunan sa SMEs.
Mahigpit ang labanan ng mga kandidato ng administrasyon at ng Oposiyon. Ang sa administrasyon ay iyong tumatakbo sa ilalim ng Hugpong ng Pagbabago (HnP) ni Davao City Mayor Sara Duterte. Ang iba pa ay sa PDP-Laban na partido ni PDu30. Ang tumatakbo sa oposisyon ay walong kandidato ng OTSO DIRETSO (OD) na sina Mar Roxas, Bam Aquino, Gary Alejano, Samira Gutoc, Chel Diokno, Erin Tanada, Romulo Macalintal at Florin Hilbay.
Hindi lang sa mga senador mahigpit ang labanan. Sa lokal din ay putputan at sagaran ang labanan. Sa Maynila na lang bilang halimbawa, matindi ang engkuwentro nina Mayor Joseph Estrada, ex-Mayor Alfredo Lim, at ex-Vice Mayor Isko Moreno.
Sa labanan ng mga kongresista, lumilitaw na batay sa surveys, nangunguna si ex-Rep. Benjamin “Atong” Asilo kontra sa kalaban niya sa First District ng Maynila. Sa dalawang surveys daw, nakakuha si Asilo ng 58% samantalang ang katunggali ay 37% sa unang survey.
Sa ikalawang survey, nagtamo si Asilo ng 56% at ang kalaban ay 37%. Ganito ang magiging resulta ng halalan kung ngayon gagawin ang botohan. Marahil, nakalalamang siya sa kalaban dahil noong siya pa ang Kinatawan ng Tondo, pinondohan niya ang pag-aaral ng mahigit 15,000 student scholars sa kolehiyo.
Siya rin ang nasa likod ng pagpapagawa ng mga gusali ng paaralan sa kolehiyo at mga silid-aralan sa high school at elementarya noong siya ang Kinatawan sa Unang Distrito. Sinabi ni Asilo na lalo niyang palalawakin at pasisiglahin ang mga proyekto sa edukasyon kapag siya’y muling nahalal.
Hindi kailanman pababayaan ng Duterte administration ang pangangalaga at pagpapasigla sa West Philippine Sea (WPS) na saklaw ang teritoryo ng Pilipinas. Sinabi ng Malacañang na “top concern” ng gobyerno ni Pres. Rody ang proteksiyon sa marine ecosystem ng WPS.
Inaprubahan ng Supreme Court ang petisyon ng ilang grupo (IBP, Filipino lawyers, mangingisda ng Palawan at Zambales) na pilitin ang gobyerno na protektahan ang kapaligiran sa lugar na saklaw ng ‘Pinas. Nag-isyu ang SC ng Writ of Kalikasan na nag-uutos sa gobyerno ni PRRD “to protect, preserve, rehabilitate and to restore the marine environment at Panatag Shoal, Ayungin Shoal and Panganiban Reef in WPS.”
-Bert de Guzman