TATANGKAIN ni one-time world title challenger Ardin Diale na makabalik sa world rankings sa paghamon kay WBO No. 13 at WBA Asia flyweight titlist Wulan Tuolehazi sa Mayo 26 sa Fuzhou, China.
Beterano ng 52 laban sa iba’t ibang panig ng daigdig, minsang hinamon ng 30-anyos na si Diale si dating WBO flyweight titlist Julio Cesar Miranda na napabagsak niya sa 1st round ngunit napatigil siya sa 4th round noong Pebrero 26, 2011 sa Queretaro, Mexico.
Bagito kung ikukumpara ang 26-anyos na si Tuolehazi ngunit sa huling 10 pagkasa sa ring ay nagwagi siya sa 9 na laban at tumabla kay dating world rated Japanese Takeshi Kaneko.
Si Tuolehazi rin ang nagpalasap ng unang pakatalo sa puntos kay dating OPBF flyweight champion Jayr Raquinel ng Pilipinas noong Setyembre 28, 2018 sa Changsha, China.
May rekord si Tuolehazi na 11-3-1 na may 5 pagwawagi sa knockouts kumpara kay Diale na may kartadang 35-13-4 na may 17 panalo sa knockout.
-Gilbert Espena