MATAPOS ang ilang linggong nakapapagod na pangangampanya, paglilibot para makilala ng mga botante, at pagpupursige upang matiyak ang panalo, haharap na ang mga kandidato ng 2019 National Elections sa paghuhukom ng taumbayan. Pagkatapos ng lahat ng survey, mock polls, at kani-kaniyang gimik at paandar, sa huli ay ang pasya pa rin ng mamamayan ang mananaig. ‘Yan ang kagandahan ng demokratikong halalan, ang taumbayan ang magpapasya.
Hindi ko tutuparin ang aking tungkulin bilang Presidente ng Nacionalista Party kung hindi ko babanggitin ang katotohanan na tatlo sa mga nangungunang kandidato para Senador ay nagmula sa aming partido—sina incumbent Senator Cynthia A. Villar, Rep. Pia Cayetano, at Gov. Imee Marcos.
Pawang babae ang aming pambato, at ipinagmamalaki namin ito. Pero higit sa ano pa man, ang aming mga pambato ay kumakatawan sa karanasan at adhikain para sa nakararami. Bawat isa sa kanila ay may kahanga-hangang track record na nakatulong upang magbigay-daan sa progreso para sa ating mamamayan, lalo na para sa mahihirap. Mayroon silang mga plataporma de gobyerno na sisiguro sa patuloy na pagpapatupad at suporta sa mga programa ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Panalo rin ang ipinapanalangin ko para sa lahat ng kandidato ng Nacionalista Party sa Kamara at sa mga lokal na posisyon. Kayo ang puso at diwa ng partido, at ipinagmamalaki namin kayo. Tinitiyak ko sa inyo ang 100% na suporta ng Partido.
Umaasa akong boboto ang taumbayan gamit ang kanilang mga puso at utak. Batid kong minsan ay nananaig ang emosyon sa pagboto. Wala namang masama rito. Subalit mahalaga rin na pagnilayang mabuti ang bawat bilog na ise-shade ninyo sa inyong balota. Ang mga boto n’yo ang humuhubog sa kinabukasan ng ating bansa.
Maaaring hindi nga ito Presidential election, pero malaki pa rin ang nakataya. Kailangang maipagpatuloy natin ang mga pagtatagumpay sa ekonomiya na sinimulan ng administrasyong Duterte. Isang objective indicator ng kaunlaran ng bansa ang tinukoy kamakailan ng S&P Global ratings nang itaas nito ang credit rating sa “BBB+”, mula sa “BBB”, dahil sa above-average growth at matatag na posisyong pinansiyal ng Pilipinas, na nagpatingkad sa sitwasyong pang-ekonomiya ng bansa. Higit na importante, inilatag ng credit rating agency ang “stable” na pananaw sa kumpiyansa sa umaalagwang ekonomiya ng Pilipinas, at ang inaasahang pagpapatuloy nito sa matagal na panahon.
Mahalagang tiyakin natin na pasulong, at hindi paurong, ang usad ng ating bansa. Hindi maaaring ngayon pa tayo manamlay at magsimula muli sa wala. Kaya naman mahalagang bumoto sa mga kandidato na may malinaw at konkretong plano upang mapanatili ang kaunlarang ito. Piliin natin ang mga kandidatong hindi idinadaan sa pambobola at masasayang TV ads ang pangangampanya. Ang mahalagang itanong— May plano ba ang kandidato? Ang kasunod na tanong—Sa palagay ko ba, makabubuti sa bansa ang planong ito?
At hindi lang ekonomiya ang tinutukoy ko, kundi maging ang mga usaping pulitikal at panlipunan. Mahalagang matiyak natin na ang ating mga ihahalal ay iyong mga opisyal na makasasabay sa political will na ipinamamalas ng ating gobyerno sa larangan ng kapayapaan at kaayusan, polisiyang panlabas, pagsugpo sa kurapsiyon, at iba pa.
Sa ngayon, babatiin ko muna ang lahat ng kandidatong tiniis ang matinding init ng panahon upang maipaliwanag sa taumbayan ang kanilang mga hinahangad para sa bansa. Anuman ang partido, dapat lang nating hangaan ang kalalakihan at kababaihang ito na iniaalok ang kanilang sarili para pagsilbihan ang ating bayan.
Hiling ko rin sa mga kandidato na irespeto ang pasya ng mamamayan. Alam kong matindi ang laban na inyong sinuong, at para sa iba, sobrang nakakapagod ang ginawang pangangampanya. Subalit kailangang hindi tayo tumingin sa mga personal na pagtatagumpay at sipatin ang mas malawak at pangkalahatang epekto ng eleksiyon. Dapat na tayo ay “magnanimous in victory and gracious in defeat”, sabi nga.
Alam kong mahirap tanggapin ang pagkatalo pagkatapos mong ibigay ang lahat—literally at figuratively. Wala namang gustong matalo, at nauunawaan ko ito. Subalit kailangang maging matapang sa pagtanggap sa pagkatalo, at magkaroon ng tamang disposisyon upang magawang makapagpatuloy sa buhay, at patuloy na lumaban.
-Manny Villar