NGAYONG 2019, ang ika-6 ng Mayo hanggang Mayo 12 ay pawang karaniwang araw sa marami nating kababayan. Panahon ng paghahanap-buhay at pagpasok sa mga opisina, pribado man o gobyerno, at pabrika. Ngunit masasabing naiiba at natatangi ang Mayo 13 sapagkat idaraos ang local elections. Iboboto ng ating mga kababayan ang napupusuan nilang mga kandidato sa lalawigan at bayan. Gayundin, ang pagpili ng bagong 12 senador at mga congressman. At para naman sa lahat ng mga wannabe, ang mga huling araw bago ang eleksiyon ay para sa puspusang kampanya.
Nang magsimula ang kampanya, ang mga supporters ng mga kandidatong mayor, vice mayor at mga miyembro ng Sanggunain Bayan ay nag-house-to-house campaign. May mga pagkakataon na kasama sa kampanya ang mga wannabe.
May mga sasakyan na lumilibot at paulit-ulit na pinatutugtog ang political jingle ng mga wannabe. May maganda ang mga lyrics at himig. May nakaaaliw pakinggan at mayroon din naman na nakabubuwisit. Bukod sa pagpapatugtog ng mga jingle, tadtad din ang sasakyan ng mga political poster ng kandidato. Kapansin-pansin din ang nagkalat na mga tarpaulin ng mga kandidato sa mga tindahan, palengke, sabungan, at mga bahay.
May iba-ibang anyo ang kampanya ng mga wannabe. Sa gabi, ginagawa ang political rally sa mga barangay, sa harap ng munisipyo, at covered court. Naging karaniwang tanawin din ang proklamasyon ng mga kandidatong nais maglingkod sa bayan. Sabay-sabay itinataas ang mga kamay ng mga kandidato ng panauhing reelectionist na provincial board member, ng congressman at ng reelectionist mayor o vice Mayor. Kung minsan, ng governor o vice governor. Sa political rally, may mga dumadalo ring mga board member ng lalawigan.
Bahagi ang pagtatalumpati ng panauhing governor, vice governor, board member, mayor at vice mayor at mga kandidatong miyembro ng Sanggunian Bayan. Inilalahad ang kanilang mga plataporma sa pamamahala.
Sa pananaw naman ng iba nating kababayan, ang mga pangako at plataporma ng mga wannabe ay mahirap paniwalaan sapagkat naniniwala sila na ang kampanya sa pulitika ay panahon ng kasinungalingan.
Ang panahon ng kampanya ng mga local candidate ay sinasabing naiiba at natatangi. Hindi maiwasan na nagkakainitan ang mga leader at supporters ng mga sirkero at payaso sa pulitika. Hindi rin maiwasan na nagbabatikusan ang mga wannabe. Sa ibang lalawigan at bayan, tinatambangan ng mga utak-pulburang pulitiko at supporters ang kanilang mga kalabang kandidato.
-Clemen Bautista