KUMILOS na ang mga manggagawa. Ang Araw ng Paggawa ay nagbigay sa kanila ng panahon upang magkaisa at palakasin ang kanilang hanay hindi lamang para makamit ang kanilang minimithi, hindi lamang para sa kanilang kapakanan, gayundin sa ikalulutas ng mga problema ng bansa. Ayaw na nilang umasa sa magagawa ng gobyerno para sa kanila.
Ang mga manggagawa ay isa sa mga pinakamalaking sektor sa lipunan. Ganoon din ang sektor ng magsasaka. Ang nagsanib-puwersang sektor na ito ang nagbigay ng lakas sa sambayanan sa paggiba sa akala noon ay matibay na moog ng diktaduryang Marcos. Ang malaking grupo ng magsasaka sa hilagang Luzon ay magdamag na nagmartsa, upang sumanib sa malaking grupo ng mga manggagawa na nandito na sa Maynila. Ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa Katimugan. Noong una, ginamit ng diktadurya ang mga sundalo at pulis upang mapigil ang pagtatagpo at pagtitipun-tipon ng mga manggagawa at magsasaka, subalit lalong lumakas at dumagsa ang grupo ng mga magsasaka at manggagawa patungong Maynila hanggang sa hindi na sila napigil ng mga sundalo at pulis.
Hindi maglalaon, gagalaw na rin ang puwersa ng mga magsasaka. Dumaranas na ng gutom at kahirapan ang mga magsasaka. Ang Tarrification Law, na ini-sponsor ni Sen. Cynthia Villar, ang nagpapahirap sa kanila. Nagmura na ang palay na kanilang inaani sa pagdagsa ng mga bigas na galing sa ibang mga bansa. Ang isang kabang palay ay nagkakahalaga na lang ng P13 hanggang P16, kulang pa sa halaga na kanilang ginagastos para rito. Ipinangako ni Villar, maging ng administrasyong Duterte, na sa pagbukas ng ating bansa sa mga banyagang bigas ay magmumura ang bigas sa ating pamilihan. Ang lahat ng aangkat ng bigas ay magbabayad ng taripa, at sinusuma ni Villar na kikita ang gobyerno ng P10 bilyon na ikakalat sa mga magsasaka para maging moderno ang kanilang paglilinang ng lupa at pagtatanim ng palay.
Bakit hindi maghihimagsik ang magsasaka? Hindi naman sa kanila mapupunta ang salapi at tulong na ibibigay ng Tarrification Law. Nakita na natin na ang bilyong pisong inilabas ng mga mambabatas mula sa kaban ng bayan bilang tulong sa mga magsasaka ay natagpuan sa kanilang bulsa. Ito ang dahilan kaya nahabla sa plunder sina Sen. Revilla, Jinggoy Estrada at Enrile. Bawal na nga ang PDAF at ibang uri ng pork barrel, pilit pa ring nagsingit sa bagong budget ng mga kauri nito ang mga mambabatas. Isa pa, mabuti sana kung magbabayad ng taripa ang mga aangkat ng bigas. Pangkaraniwan na libre ang mga nasa kapangyarihan o mga taong konektado sa mga ito. Bukod sa gumawa ang batas ng pugad ng mga katiwalian, ang binubuhay ng salapi natin ay ang mga banyagang magsasaka. Paano kung ang inaangkatan natin ng bigas ay ayaw na ring magbigay dahil tinamaan sila ng tagtuyot at kulang pa para sa kanilang mamamayan ang inaani nilang bigas? Dahil naitulak na ang mga magsasaka sa kalagayang walang pagpipilian kundi ihanap ng lunas ang kanilang problema. Magbibigkis-bigkis at aanib ang mga ito sa ibang sektor na kagaya nilang naghahanap ng lunas sa kanilang sariling problema. Iaasa nila sa kanilang sariling lakas ang makabuluhang pagbabago para sa kanilang kapakanan. Uulitin nila ang ginawa nila noong nakaraan.
-Ric Valmonte