BUWENAS ang mga pulis (PNP) at mga sundalo (AFP) dahil dinoble ang kanilang suweldo ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) kahit hindi sila nanghihingi ng dagdag noon bagamat, siyempre, gusto nilang taasan ang kanilang sahod. Mahalaga ang kanilang tungkulin sa bayan at lubhang mapanganib pa.
Kung buwenas ang mga tauhan ng Philippine National Police at ng Armed Forces of the Philippines, mukhang kawawa
naman ang ordinaryong mga manggagawa na nagsusumamong pagkalooban sila ng P710 minimum wage ngayong Araw ng Paggawa (Labor Day). Hindi raw sapat ang kasalukuyang P510 minimum wage na tinatanggap nila. Masyado raw ang epekto sa kabuhayan nila ng TRAIN Law.
Sa kabila ng pagdoble ng sahod ng mga pulis at kawal, nakapagtatakang patuloy pa rin sa paggawa ng kabulastugan at paglapastangan ang ilan sa kanila---pagpatay, holdap, kidnapping, panggagahasa (sa panig ng PNP)--- at pagpatay sa mga lumad, magsasaka, suspected NPAs, pangha-harass sa militant at party-list groups (sa panig ng AFP).
May nagsabing hindi dapat pagtakhan kung bakit sinusuyo at dinoble ang sahod ng mga tauhan ng PNP at AFP sapagkat katuwang sila sa drug war ng administrasyon. Hindi rin daw dapat magtaka ang mga mamamayan sa “pagmamahal” na ipinamamalas sa kanila sapagkat tanging ang militar at police ang puwedeng magsagawa ng kudeta. Kayo bang mga manggagawa ay kaya ninyong gawin ang puwedeng gawin ng PNP at AFP?
Sa news item ng isang broadsheet noong Martes, ganito ang headline: “Salary hike unlikely on May 1-- DOLE”. Samakatuwid, ang mga worker sa Metro Manila at iba pang mga rehiyon ng bansa ay walang pag-asang magtamo ng salary hike kasunod ng pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi pakikinggan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang kahilingan para sa salary increase.
Ayon kay Labor Usec. Ciriaco Lagunzad, hindi rin daw maaaksiyunan ng RTWPB sa National Capital Region ang petisyon ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na pagkalooban sila ng across-the-board wage hike para sa mga manggagawa sa rehiyon. Gayunman, sinabi ni Lagunzad na maaaring repasuhin ng RTWPB ang TUCP petition kung may nakikita silang kondisyon (supervening condition) para taasan ang sahod ng minimum wage workers.
Nagtatanong ang publiko kung nasimulan na at ginagawa ang rehabilitasyon ng Marawi City na gumuho at nawasak sa walang humpay na pambobomba ng Philippine Air Force (PAF) sa kasagsaan ng pagkubkob ng Maute Group, Abu Sayyaf at iba pang elementong kriminal sa siyudad. Iniutos ni PRRD na bombahin ang lungsod upang palabasin ang mga kaaway. Napatay ang magkakapatid na Maute pati na ang lider ng ASG na si Isnilon Hapilon. Sa wakas, malaya na ang Marawi City, pero wasak na wasak ito.
Ayon sa mga balita, hanggang ngayon ay lugmok pa rin ang siyudad. Mabagal ang rehabilitasyon sa kabila ng bilyun-bilyong piso na donasyon ng mga dayuhang bansa---China, US, Japan, Australia, European Union. Nasaan na raw ang pondo para rito? Matulad kaya ito sa pondo ng bagyong Yolanda na hindi malaman kung ginamit o “kinurakot” ng mga namamahala sa rehabilitasyon?
-Bert de Guzman