Bagong graduate? Wala kang babayaran sa mga kukumpletuhin mong requirements para makapasok sa trabaho.
Ito ay dahil ganap nang batas ang direktibang nagbabawal sa ilang ahensiya ng gobyerno na singilin ng fees o charges ang mga bagong graduate para sa mga dokumentong kailangan ng mga ito na isusumite sa inaaplayang trabaho.
Sa ilalim ng Republic Act 11261, na nilagdaan ni Pangulong Duterte ngayong Martes, kabilang sa mga dokumento na libre nang ibibigay sa mga bagong graduate ang police clearance, National Bureau of Investigation (NBI) clearance, barangay clearance, birth certificate, marriage certificate, tax identification number (TIN), transcript of academic records mula sa state colleges and universities (SUCs), at unified multi purpose ID, gayundin ang medical certificate mula sa mga pampublikong ospital.
Para malibre sa nasabing mga dokumento, kailangan lang na magprisinta ang mga bagong graduates ng barangay certification.
Sa ilalim din ng nasabing batas, hindi kasama sa mga malillibre ang mga charges na kinokolekta para sa aplikasyon sa professional licensure examination at career service examination, gayundin ang pagkuha ng driver's license, passport at iba pang dokumento sa Department of Foreign Affars (DFA).
Inaatasan ng batas na ito ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na gumawa ng database ng lahat ng nabigyan na ng benepisyo ng nasabing batas.
-Beth Camia