Arestado ang tatlong babae na umano’y kaanib ng "House For Sale Syndicate", matapos na ipaaresto ng biniktima nilang empleyado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Navotas City, ngayong Martes.
Kinilala ang mga inaresto na sina Wilda Bacister, alyas Nene, 57; Violeta Prado, alyas Violy, 64; at Alelie Bacasmo, alyas Daday, 53, pawang residente ng Block 22, Phase 1, Barangay Dagat-Dagatan, Navotas City.
Ayon sa complainant na si Imelda Arpon, 51, detention guard ng DSWD, taga-Bgy. NBBS sa nabanggit na lungsod, Disyembre 7, 2018 ay lumapit sa kanya ang mga suspek at inalok na bilhin ang bahay sa Block 2, Lot 104, Phase 2, Area 1, Dagat-Dagatan, sa Malabon City, sa halagang P70,000.
Dahil mura at may mga ipinakitang titulo ang mga suspek, ibinigay niya ang nasabing halaga.
Nitong Linggo, pinuntahan ni Arpon ang binili niyang bahay, subalit may nakatira kaya kinausap niya ang mga suspek, na humingi umano ng karagdagang P30,000 upang paalisin ang nakatira roon.
Nagduda ang biktima kaya kinausap nito ang nakatira sa bahay at tinanong kung kanino ba talaga ang bahay na iyon.
Ipinakita ng may-ari ang mga original copy ng certificate of finality mula sa Regional Trial Court (RTC) Branch 170, kaya nakimbinsi si Arpon na peke ang mga dokumento na ibinigay sa kanya ng mga suspek.
Dahil dito, nagpasaklolo ang biktima sa Station Investigation Detective Management’s Branch (SIDMB) ng Navotas Police.
Ikinasa ang entrapment operation sa loob ng isang food chain sa Angora sa kahabaan ng M. Naval Street, Bgy. NBBS, Navotas City, bandang 9:00 ng umaga.
Matapos na iabot ng biktima ang P30,000 sa mga suspek, dinamba na ito ng mga pulis at dinala sa presinto.
Nahaharap ang mga suspek sa estafa.
-Orly L. Barcala