Naka-high alert status na ang security forces ng bansa upang tiyakin ang seguridad sa mga nalalabing araw ng kampanya bago ang halalan sa Lunes.

(kuha ni Mark Balmores)

(kuha ni Mark Balmores)

Nangako si Gen. Benjamin Madrigal, chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na ilalaan ang 70 porsiyento ng lakas ng militar, o 98,000 sundalo, para sa pagbabantay sa botohan lalo na sa mga hotspot area.

“Most of our forces have already been pre-deployed in preparation for the elections,” ani Madrigal. “Some troops in combat mode will also shift to election mode although our regular and non-combat operations will continue as necessary.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Malaking dagdag ang nasabing bilang ng mga sundalo sa halos 100,000 pulis na ipakakalat para tumulong sa Commission on Elections (Comelec) sa paghahatid ng election paraphernalia bago at pagkatapos ng halalan.

Ngayong Martes ng umaga, nagdaos ang mga opisyal ng pulisya, militar, at Comelec ng send-off ceremony sa Camp Aguinaldo sa Quezon City para sa mga pulis at sundalo na tutulong sa halalan.

FULL ALERT

Kinumpirma rin ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Oscar Albayalde na isinailalim na sa highest security alert status ang lahat ng pulisya sa bansa.

Aniya, 36,000 voting precincts ang bibigyan ng seguridad sa Lunes, at bawat isa ay babantayan ng dalawang pulis.

Kahapon, sa huling taya ng pulisya, nasa 946 ang hotspot areas sa bansa.

SAPAT ANG KURYENTE

Kaugnay nito, tiniyak din ngayong Martes ng Malacañang na handa na ang ilalatag na seguridad, sapat ang supply ng kuryente, at tatanggap ng suweldo ang mga gurong magsisilbi sa Lunes.

“The Department of National Defense assured that the Philippine National Police and the Armed Forces of the Philippines are ready to secure the 2019 elections,” saad sa pahayag kahapon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Sinabi pa ni Panelo na siniguro ng Department of Energy (DoE) na ang bansa ay may “sufficient” na supply ng kuryente.

Tatanggap din ang mga guro ng honoraria at travel allowance, batay sa report ng Department of Education, ayon kay Panelo.

-Aaron Recuenco at Genalyn Kabiling