STOCKTON, California – Bawat depensa, kakaibang galing ang ipinamalas ni Filipino world champion Jerwin Ancajas.
Sa ikapitong pagkakataon, naidepensa ni Ancajas ang IBF super flyweight title sa dominanteng 7th round TKO kontra Japanese challenger Ryuichi Funai.
Pinaliguan ng bigwas ni Ancajas ang karibal sa kabuuan ng laban, higit sa sixth round kung saan kinailangan ng ring physician para sa latay na iniwan ng Pinoy hitman.
Para makaiwas sa higit na pinsala, ipinag-utos ng ring doctor sa referee na itigil ang laban na kagyat namang nasunod sa opisyal na oras na 0:01 ng ikapitong round ang mapanatili ang kampeonato sa duwelo na ipinalabas sa mundo sa pamamagitan ng ESPN.
Higit na kahanga-hanga ang panalo ni Ancajas (31-1-2, 21KOs) kumpara sa kanyang huling duwelo kontra Alejandro Santiago na nauwi sa draw nitong September sa Fresno, California.
Bagsak ang karta ni Funai sa 31-8.
“This is the fight I owed to all of my fans back home in the Philippines,” pahayag ni Ancajas sa panayam ng ESPN matapos ang laban.
Naipatama ng Pinoy southpaw ang 48 suntok kay Funain sa ikaanim na round, kabilang ang nakaririnding right hooks at straight left.
“I was surprised, but with the fighting heart of the Japanese boxers, you can never say never,” sambit ni Ancajas, nananatiling kampeon sa 115-pound division mula nang maagaw ang titulo via decision kontra McJoe Arroyo nitong September 16.