Inaresto ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office ang isang 22-anyos na babaeng may-ari ng isang massage spa na nag-aalok umano ng “all the way sex” sa mga kustomer nito sa Sta. Mesa, Maynila.
Dalawang babaeng masahista rin ang na-rescue sa entrapment at rescue operations nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ni Major General Guillermo Eleazar, NCRPO director, ang naaresto na si Shiela May Genove, 22, tubong Candelaria, Quezon, at stay-in owner ng Lavender Zen Spa na nasa Bacood sa Sta. Mesa.
Na-rescue naman ng pulisya ang dalawang on-duty spa employees ni Genove na sina alyas “Ara”, 19; at alyas “Mina”, 27 anyos.
Inaresto si Genove sa loob ng spa bandang 7:30 ng gabi, ng mga operatiba ng NCRPO-Regional Special Operations Unit (RSOU), sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police-Women and Children Protection Desk (PNP-WCPD), NCRPO-Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD), at Manila Police District (MPD) Station 8.
Sinabi ni Eleazar na ikinasa nila ang operasyon makaraang makumpirma nila ang tip ng isang confidential informant tungkol sa iniaalok na serbisyong seksuwal sa nasabing spa.
“The modus operandi of [Genove] is to offer an extra service or 'all the way sex' other than the massage,” ani Eleazar.
Dagdag pa ng NCRPO Chief, mismong si Genove ang nakikipagtransaksiyon sa mga kustomer sa pamamagitan ng pagpapakita sa mga ito ng gallery ng mga litrato ng mga babaeng empleyado niya na tinatawag niyang “therapists on call with extra service”.
Ibinunyag naman nina Ara at Mina na binabayaran sila ng P5,000 para sa extra service, bukod pa sa regular na ibinabayad sa kanila para sa pagmamasahe.
Tumatanggap naman umano si Genove ng P1,000 tip mula sa mga kliyenteng nasiyahan sa “successful transaction”.
“Further, the victims were required to attend to their work otherwise they will be charged P500 for their absence,” ani Eleazar.
Dinala si Genove at ang dalawa niyang empleyado sa tanggapan ng RSOU sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City para sa proper disposition.
Kakasuhan si Genove ng paglabag sa Republic Act 10364, o ang The Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.
Martin A. Sadongdong