Nasawi ang isang limang taong gulang na babae matapos siyang aksidenteng mabaril ng anim na taong gulang niyang pinsan, gamit ang isang .45 caliber pistol, sa Albay, nitong Sabado ng hapon.

Ayon kay Major Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-5, nangyari ang insidente bandang 1:30 ng hapon nitong Sabado sa Purok 4, Barangay Baligang, Camalig, Albay.

Sinabi ni Calubaquib na inutusan ng ina ng lalaking suspek, na anak ni Army Corporal Ronel B. Baldo, may-ari ng baril, ang kanyang kapatid na lalaki na alisan ng mga bala ang .45 caliber Shooter Elite at itago ito sa mas ligtas na lugar.

Gayunman, habang nasa kusina, dumating ang biktima at ang suspek at nang makita ng huli ang baril sa ibabaw ng mesa ay dinampot niya ito, hanggang sa pumutok at natamaan ang batang babae.

Probinsya

9-anyos na bata, patay sa rabies; aso, kinatay at kinain pa ng 30 katao

Nasapul ng bala sa dibdib ang biktima at kaagad na dinala sa ospital, pero binawian din ng buhay kalaunan.

“’Yung mother ng victim na six months pa lang na nasa Japan ay kapatid nung mother ng suspect. Nakatira ‘yung dalawang pamilya sa iisang bahay, sa magulang. ‘Yung tatay naman ng biktima ay nasa Guinobatan daw at wala sa bahay,” kuwento ni Calubaquib nang kapanayamin ng BALITA sa telepono.

Nino N. Luces