Nalansag ng mga awtoridad ang isang local drug network sa Sultan Kudarat makaraang maaresto ang limang umano’y miyembro nito, kabilang ang dalawang sinasabing kasapi ng Moro Islamic Liberation Front, sa drug-bust operation nitong weekend.
Ayon kay Naravy Duquiatan, regional chief ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-12, nagsagawa ang mga tauhan ng ahensiya at mga anti-narcotics operatives ng pulisya ng entrapment operation sa national highway sa bahagi ng Barangay Kalawag sa Isulan, Sultan Kudarat.
Naaresto sina Noraida Sabang, Namraida Sengkong, Baldido Nasser, Zainoden Until, at Anwar Macapendeg, pawang nasa hustong gulang. Miyembro umano ng MILF sina Until at Macapendeg, base sa mga nakumpiskang ID nila.
Nakuha rin umano sa mga suspek ang nasa 100 gramo ng shabu, na nagkakahalaga ng P700,000.
Ayon sa PDEA, ang mga naaresto ay pawang miyembro umano ng Ameril drug group, na kumikilos sa Central Mindanao, at pinamumunuan ni Allan Ameril.
Matatandaang noong 2018 ay naaresto na sa isang drug bust sa Tacurong City si Ameril.
Nabatid na nanggaling umano ang mga suspek sa Cotabato City at sakay sa Toyota Hi-Ace van ay pumayag umanong mag-deliver ng ilegal na droga sa poseur buyer ng PDEA, na humantong sa pagkakaaresto sa mga ito.
Joseph Jubelag