Sampung tao, na umano’y namamahagi ng mga sobre na may P200 upang hikayatin ang mga residente na iboto sina Cavite Governor Jonvic Remulla at Vice Governor Jolo Revilla, ang dinakip ng pulisya sa Bacoor City, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ang mga naaresto na sina Teresita Marjes, Irene Morales, Elsie Alano, Jayson Alab, Rex del Rosario, Jose de Leon, Gregorio Tamio, Michael Omedes, Joselino Villa, at Jowel Sale.
Lima umano sa mga naaresto ay empleyado ng city hall, bagamat tumanggi ang pulisya na kumpirmahin ito.
Ayon kay Col. Lawrence Cajipe, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group ng Calabarzon Police Regional Field Unit (CIDG-RFU 4A), inaresto ang mga suspek matapos isumbong ng isang residente ang nasaksihan nitong pamamahagi umano ng mga ito ng maliliit na brown envelope sa mga taga-Barangay Zapote 5 sa Bacoor, bandang 6:00 ng hapon.
Matapos matanggap ang sumbong, kaagad na nagtungo ang mga operatiba ng CIDG upang kumpirmahin ang insidente hanggang sa masaksihan umano ng mga awtoridad ang aktong pamamahagi ng mga sobre, ayon kay Cajipe.
Nakumpiska umano mula sa mga suspek ang ilang bungkos ng brown envelope na naglalaman ng P200, na may kabuuang P75,800; P83,500 cash; plastic bag na may mga pulang wristbands na namamarkahan ng “FIX m”; dalawang puting T-shirt na may tatak na “Tapat sa Bayan, Tapat sa Usapan”, “Jonvic Remulla Gobernador” at “Jolo Revilla Bise Gobernador” sa harapan, at “Vote WOW 169 PILIPINAS” sa likod; at isang pulang notebook na may listahan ng mga pangalan.
Itinanggi naman ng re-electionist na si Remulla na sangkot siya sa vote-buying.
Sa isang post sa Facebook, sinabi ni Remulla na ang perang ipinamamahagi ay hindi suhol sa mga botante kundi “travel allowance” ng kanyang mga “campaign watchers”.
Sinegundahan naman ni Revilla ang pahayag ng gobernador, sinabing matagal nang kalakaran ang pagbibigay ng allowance sa watcher, at iginiit na wala naman siyang katunggali para bise gobernador kaya hindi niya kailangang mamili ng boto.
Nitong nakaraang linggo, isang litrato ng puting T-shirt na tugma sa mga nakumpiskang paraphernalia ang kumalat online matapos ibahagi sa Twitter ng user na si Jeremy @jrmy_stll, na nag-akusa ng vote-buying kina Remulla at Revilla.
Samantala, sinabi ni Cajipe na dinala na ang 10 suspek sa CIDG Cavite Provincial Field Unit office at kakasuhan ng paglabag sa Omnibus Election Code.
Martin A. Sadongdong