Patay ang isang Nigerian habang arestado ang anim niyang kababayan sa operasyon ng National Bureau of Investigation laban sa mga scammers.

Kinilala ni NBI Cybercrime Division (NBI-CCD) Chief Victor Lorenzo ang napatay na si Orisakwe Ifeanyi Emmanuel.

Ayon kay Lorenzo, napatay nitong Huwebes si Orisakwe sa operasyon ng NBI-CCD sa Urban Homes Hampton sa Barangay Buhay na Tubig, Imus, Cavite, kung saan tumutuloy ang mga suspek.

Nakawala si Orisakwe sa pagkakagapos at nakakuha ng baril na tinangka umano nitong gamitin laban sa NBI agents.

Probinsya

Tricycle driver na nagselos at sinabihang maliit ang ari, sinaksak sekyu na pinagselosan!

Sa kabutihang palad, napigilan ng NBI agents si Orisakwe, at napatay.

Samantala, naaresto ng NBI ang iba pang Nigerian suspects na sina Ikenna Dickson Okalla, Chukwuma George Adible, Chiboy Stanley Agbasy, Dim Remedios, Abas Kashmir, at Uba Living.

Nasamsam din ng NBI ang anim na laptop computers, 11 mobile phones, isang skimming device, walong bundle ng pekeng dollar bills, iba’t ibang blank cards, security cards, sim cards, credit cards, at 9mm pistol at handgrenade sa pag-iingat ni Orisakwe.

Ayon kay Lorenzo, nag-ugat ang operasyon sa napakaraming reklamo mula sa mga scam victims.

Kabilang sa mga scams na kinasasangkutan ng mga suspek, ayon kay Lorenzo, ang “love scam” kung saan nililigawan ang mga biktima at, matapos na makuha ang kanilang tiwala, hinihikayat nila itong magbigay ng pera para sa pekeng investments.

Kinasuhan ang mga inaresto sa paglabag sa Presidential Decree 1866 as amended by Republic Act 9516 (Law on Explosives); RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition); at RA 8484 (Access Devices Regulation Act of 1998) in relation to RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).

Jeffrey G. Damicog