SApambihirang okasyon, nagsama ang mga militante at moderate labor groups sa pagdiriwang ng Labor Day sa uri nang matindi at dumadagundong na protesta.

Sa Mendiola, nagtagpo ang mga grupo ng mga manggagawa sa pagpapakita ng pagkakaisa ng mga iba’t ibang labor union at party-list group. Sinamahan ng militanteng Kilusang Mayo Uno ang rally ng Nagkaisa Labor Coalition at ibang grupo na kinabibilangan ng Trade Union Congress Party, Partido ng Manggagawa, Alab Katipunan, Akbayan Party, Philippine Airlines Employees Association at Government Employees Association. Pinag-isa ng layuning itaas ang sahod ng mga manggagawa sa P750 at wakasan ang kontraktuwalisasyon. Ang kasalukuyang minimum wage, anila, ay hindi sapat para sa pang-araw-araw na buhay at lumala ang kahirapan nang pairalin ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Ang nag-sponsor ng TRAINLaw sa senado ay si Senador Sonny Angara. Bukod sa plenaryo, idinepensa niya ang batas sa tuwing siya ang kinakapanayam ng mga mamamahayag sa himpapawid. Narinig ko sa kanya na ang tatamaan ng nasabing batas ng pagbubuwis ay ang mga mayaman at maykaya. Ang buwis, aniya, na magbubuhat sa mga ordinaryong mamamayan ay babalik naman sa kanila sa uri ng serbisyo at tulong mula sa gobyerno. Ang hindi niya ipinaliwanag ay ang buwis sa TRAINLaw ay indirect taxes. Ipinapasa ito ng mga negosyanteng napatawan ng naturang buwis sa mga bumibili at tumatangkilik ng kanilang produkto. Kaya, sa huli, ang papasan ay ang mga manggagawa at ordinaryong mamamayan.

Sa rally naman na ginanap sa Panay at Cebu City, ang karagdagan nilang kinondena ay ang mga umano’y extra-judicial killings, partikular sa Negros Island. Humingi sila ng katarungan para sa pinaslang na konsehal ng Escalante City na si Bernardino Patigas at 14 na magsasaka na pinatay ng mga sundalo at pulis sa Negors Oriental. “Drum drum na dugo ang ikinalat na ng administrasyong Duterte sa pag-atake nito sa mga aktibista, tagapagtanggol ng karapatang pantao, abugado at pinaghihinalaang sangkot sa droga,” wika ni Reylan Vergara, vice-chair ng human rights group Karapatan.

Ang nakaraang Araw ng Paggawa ay nagbigay ng okasyon para pag-isahin at palakasin ng mga manggagawa ang kanilang hanay. Kagutuman, kaapihan, kahirapan at kalupitan ang nagtulak sa kanila para gawin ito. “Sa aking palagay sa kamay ng mga nagkakaisang manggagawa maipagwawagi ang pakikibaka laban sa kontraktuwalisasyon. Hindi na kami umaasa sa mga pangako ng Pangulo,” sabi ni KMU Chair Elmer Labog.

Samantala, hinikayat ni Geraldine Cacho, pinuno ng CPATongtongan ti Umili (People’s Forum), ang mga botante na piliin ang mga kandidato sa Mayo 13 na lalaban para sa karapatan at kapakanan ng mga api. Pero, inamin niyang hindi lang ang halalan ang makalulutas sa problema ng bansa katulad ng kahirapan, seguridad sa trabaho at hindi makatarungang pagtrato sa mga manggagawa. “Sa sarili lang nating lakas at sama-samang pagkilos mababago ang mapaniil na sistema,” dagdag pa niya. Kumilos na ang isa sa pinakamalakas na puwersang inasahan at sinandigan ng taumbayan noong isulong nila ang kilusang nagtibag sa moog ng diktadura ni dating Pangulong Marcos.

-Ric Valmonte