SA darating na Mayo 13, 2019 idaraos ang lokal na halalan, ngunit ang kabuuang buwan ay nananatiling Buwan ng mga pista at bulaklak.
Sa pagdiriwang ng kapistahan, bahagi ang pagbibigay-buhay at pagpapahalaga sa mga tradisyon at kaugalian na kaugnay ng kapistahan ng kanilang patron pintakasi. Panahon din ng pagtupad ng mga panata.
Ang Mayo ay panahon ng tag-init. Ang panahon na hinihintay ng ating mga kababayan, lalo na ng mga magsasaka, sapagkat panahon ng anihan na bunga ng pagsisikap, pagod, at hirap. At kahit may simoy ng hanging Amihan ay nadarama pa rin ang init o maalinsangan. Ngunit sa kabila ng nabanggit, patuloy ang mga halaman at punong-kahoy sa pagtubo, pamumulaklak, pamumunga, paninilaw ng mga dahon at pagkalagas ng mga talulot ng mga bulaklak. At muling pagsusupling hanggang sa muling pamumulaklak.
Ang mga nabanggit ay magandadang tanawin at larawan ng tag-araw, lalo na tuwing sumasapit ang Mayo.
Ang Mayo ay pinatitingkad pa ng maraming pagdiriwang. Paglalakbay, pamamanata at pagbibigay-buhay sa mga katutubong kaugalian at tradisyon tuwing tag-araw.
Sa pagdiriwang ng mga kapistahan tuwing Mayo, ang pagpaparangal ay nakatuon sa Mahal na Birhen. Sa Bulacan, Laguna, Nueva Ecija, Cavite, Rizal, Quezon, Batangas, Marinduque, Mindoro, Pangasinan, La Union, Bataan at iba pa, ang Mahal na Birhen ang karaniwang pinaka-patrona o patroness ng pagdiriwang ng kapistahan. Nagdaraos ng siyam na gabing nobena-misa sa mga simbahan. At pagsapit ng araw ng kapistahan, nagluluto ng mga pagkain. May nagdaraos ng serenata o konsiyerto ng banda ng musiko (brass band).
Sa gabi ng kapistahan, ang imahen ng Mahal na Birheng Maria ay nakalagay sa larosa o andas. Nagagayakan ng mga bulaklak. Magalang na ipinuprusisyon bilang tampok na bahagi ng kapistahan.
Bukod sa nabanggit na paraan ng pagpaparangal sa Mahal na Birhen, pinatitingkad pa ang pamimintakasi sa pamamagitan ng “Flores de Mayo” o ang Pag-aalay ng mga Bulaklak. Ang “Flores de Mayo” ay nagsisimula sa unang araw ng Mayo hanggang sa katapusang araw ng nasabing buwan. Tuwing hapon, makikita at karaniwang tanawin sa loob ng mga simbahan— ang pangkat ng mga batang babae at lalaki, binata, dalaga, mga senior citizen at mga may panata at debosyon sa Mahal na Birhen ay magdarasal ng Rosaryo at kasunod na ang pag-aalay ng mga bulaklak kay Mama Mary.
Sa pag-aalay ng mga bulaklak, isinasabay ang pag-awit ng Dalit sa Mahal na Birhen. Ang inyong lingkod tuwing Mayo ay hindi nakaliligtaan ang sumama sa pag-aalay ng mga bulaklak kay Mama Mary. Ganito ang ilan sa mga halimbawa ng Dalit sa Mahal na Birhen na inaawit ng choir: “Halina at magsidulog kay Mariang Ina ng Diyos, At tanang tinubos nitong Poong Mananakop; Sintahin natin at igalang, yamang siya’y ating Ina”. Ang mga nag-aalay ng mga bulaklak ay sumasagot ng “Halina’t tayo’y mag-alay ng bulaklak kay Maria.”
“Halina at magsilapit Dine sa Birhen na Inang kaibig-ibig, Dakilang Reyna sa Langit; Nang ampuni’t saklolohan, Tayong mga anak niya.” “Halina’t dumuog tayo, Sa Birheng Ina ng Berbo, Halina’t idulog dito, Mga bulaklak sa Mayo; Halina’t tayo’y maghintay, sa bawat ipagtalaga.” “Matapat nawang tanggapin, Matamis na Inang Birhen, Ang bulaklak naming hain, Galing sa puso’t damdamin, Dito inaasahan, ang paglingap mo Ina.”
-Clemen Bautista