“CONTROVERSIAL couple” ang pakilala ni Ogie Diaz kay Agot Isidro at sa boyfriend nitong kumakandidatong senador, si dating Solicitor General (2014-2016), Atty. Florin ‘Pilo’ Hilbay, nang mag-guest sila sa Facebook live ng Anything Goes Pagdating sa Life, na ginanap sa Meerah Khel Studio.
All out ang suporta ni Agot sa kanyang boyfriend of more than a year para sa kandidatura nito, dahil ayon sa kanya, hindi pa kilala si Atty. Pilo ng nakararami.
“Iyon na ang tulong ko sa kanya, na ipakilala ko siya,” sabi ng singer-actress.
Sa unang pagkakataon ay ngayon lang naging vocal si Agot sa kanyang karelasyon, dahil masyado siyang pribado pagdating sa buhay pag-ibig niya.
Pati nga nung naghiwalay sila ng dating asawang si Manu Sandejas ay hindi siya nagbigay ng detalye, basta inamin lang niya noon sa Kris TV ni Kris Aquino na hiwalay na sila.
Ang unang tanong ni Ogie, paano nagkakilala sina Agot at Atty. Pilo?
“Mayroon kasi kaming malaking grupo ng mga progresibong personalities, usap-usap lang kung ano mga puwedeng gawin,”say ni Agot.
“Nakikita ko na siya that time, naiimbitahan din siya, ako rin naiimbitahan. So ‘yung dating malaking grupo, ginawan ko ng paraan na lumiit hanggang sa naging kaming dalawa na lang,” saad ni Atty. Pilo.
Hanggang sa nag-dinner na raw sila late 2017, na silang dalawa lang.
“Masarap kasi siyang kausap, eh. Masaya siyang kasama, hindi lang puro law and advise ang pinag-uusapan, marami, kasi mahilig siyang mag-surf, naggigitara siya, mahilig sa music. Siya (Pilo) ang nag-introduce sa akin ng (bandang) Ben and Ben,” kuwento ni Agot.
Naitanong ang sabi-sabi na ginagamit lang daw ni Pilo si Agot sa kandidatura nito.
“End of 2017 lumalabas na kami, hindi lang klaro ‘yung status. Nu’ng nag-start ‘yung campaign, we never sat down na ‘okay ganito dapat ang strategy natin sa pangangampanya’,” sabi ni Pilo.
“Lately lang siya (Agot) naging open. ‘Yung pangangampanya ko, akin ‘yun, eh. Siya she supports as a citizen na naniniwala sa mga ginagawa ko, hindi lang as a girlfriend na in some point nagkagulo na lang na (nalaman na ang relasyon). Kasi ayoko rin sana siyang (isama) kasi she’s also busy with her shoot,” paliwanag ng boyfriend ni Agot.
May pressure nga ba kay Agot na kailangang maipanalo niya si Pilo?
“May ganu’n ba? I don’t feel any pressure,” natawang sagot ni Agot.
“Basta ako ito ang paniniwala ko. I think he deserves a seat in the Senate kasi constitution ‘yan, eh. Kailangan tayong gumagawa ng mga batas kasi constitution ‘yan, e. Eh constitution law teacher siya, kaya siya ang nakakaalam. Plus alam kong maayos siyang tao at ipaglalaban niya.
“Kung sa pressure, bakit dala ko ba ang kampanya niya? He alone can stand, kasi lahat ng nagawa niya… bar topnotcher. Lahat ng pinagdaanan niya despite of difficulties sa buhay niya, na-attain niya ‘yun.”
“Ang tingin ko kasi parang si Agot, kasama siya sa volunteer. Kampanya ko, dala ng mga volunteers,” sabi naman ni Pilo.
“Kapag pumunta kayo sa headquarters ko, makita mo talaga na may pagka-dugyot. ‘Yung set-up namin, organic ‘yung support. May mga bata at may mga may edad na nagpupunta sa opisina para magdala ng pagkain, vitamins, tinapay, noodles. Kaya ‘yung pressure talaga is distributed sa volunteers.”
Wala ang pangalan ni Pilo sa senatorial survey ng Social Weather Station (SWS), pero sa mga eskuwelahan ay nasa top 12 siya. Ano ang basa niya rito?
“’Yung mga nasa universities mas babad sila sa mga isyu. ‘Yung kabataan natin, kasi unang-una marami sa kanila sa Internet, sa online, sila ‘yung political ang pananaw. Karamihan ng mga Pilipino hindi naman sila tayang-taya sa bansa kundi mas tayang-taya sila sa ano bang nangyayari sa buhay ko. Kasi you have to admit, marami pa ring mahirap sa ating bayan, so paano sila kikita, paano susuweldo, paano ako maglalagay ng pagkain (sa hapag-kainan)? So ‘yung political issue, secondary na lang,” paliwanag ni Pilo.
Nabanggit din na sa lahat ng kandidato ay siya ang may pinakamalaking talon, dahil mula sa 2% ay nasa 31% na siya ngayon.
Maraming kasong naipanalo at nabawing yaman ng bansa si Pilo noong solicitor general pa siya, kaya maganda ang record niyang ito para maging susunod na senador.
Samantala, nakatanggap ng matinding bash si Agot nang sabihing may jowa raw siyang drug lord, may P200 milyon daw sa freezer, at may townhouse pa raw.
“Unang-una wala akong freezer at wala akong townhouse, saka wala akong jowa noon, lahat mali,” sagot ni Agot. “Tapos nakipagsampalan daw ako sa Boracay. Sabi ko nga kung gagawa ng isyu, galing-galingan naman, natatawa ako, eh.
“Sabi nila kaya raw ako hiniwalayan ng asawa ko kasi wala akong anak, hindi naman nila alam ang lahat.”
Tinanong ni Ogie kung may plano pang mag-anak si Agot.
“Papunta na ako ng menopause, guys, okay na ‘yun. Hindi ko nga naisip na (i-preserve ang egg cells). But puwede naman thru adoption, supporter ako ng Cribs (Foundation), so maraming mga batang puwedeng i-adopt. Malaking responsibility ‘yan kaya pag-iisipan ko ‘yan.”
Saka na lang daw pag-uusapan nina Agot at Pilo ang tungkol sa pag-anak.
Binatang-binata at never pang ikinasal si Pilo.
“Ngayon lang ako nakatagpo ng katapat ko,” sabi ni Pilo sabay tawa.
At dahil taga-showbiz si Agot, tinanong ni Ogie si Pilo kung ano ang puwede niyang iambag sa industriya.
“Wala kasi siyang masyadong alam sa showbiz, siguro para sa akin ‘yung oras, working hours sa production (kahit ilang beses nang nagbaba ng memo ay hindi pa rin nasusunod), wala kasing batas at walang representation ang industriya sa pulitika,” sabi ni Agot.
“Well, paulit-ulit ‘yung labor issues pagdating sa entertainment industry. We need special rule for the entertainment, kailangan nating pag-aralan, kasi it’s part of our culture, kaya importanteng bigyan natin ng assistance,” dagdag pa ni Agot.
“Minsan kapag maganda ‘yung content ng (movie) natin, nae-export natin, nagiging global phenomenon,” sambit naman ni Pilo.
Nabanggit din na dapat babaan ang bayad sa sinehan, lalo na para sa mga estudyante.
“Dapat may student discounts, senior citizen libre rin sa ibang local government,” say pa ni Pilo, senatoriable na #37 sa balota.
S a k a l i n g ma h a l a l s a S e n a d o s i A t t y . Hilbay, magiging chief of staff ba niya si Agot? “Ha, ha, ha, kung mababayaran niya ‘yung kinikita ko (sa showbiz), parang hindi yata,” natawang sagot ng aktres.
“Maliit ang suweldo (sa gobyerno),” sabad naman ni Pilo.
Ano naman ang puwedeng iambag ni Agot sakaling maging senador ang boyfriend niya? “Wala, magdadala lang ako ng pagkain kapag libre ako,” ani Agot.
“We’ll keep it separate, ‘yung kanyang career, kasi private pa rin ang career ni Agot. Ako naman iba,” sabi ni Pilo.
Anyway, tatapusin lang daw ang eleksiyon sa May 13, at saka pag-uusapan nina Pilo at Agot ang kanilang relasyon, para sa higher level na.
-REGGEE BONOAN