Nagsampa nitong Huwebes ang National Bureau of Investigation (NBI) ng inciting to sedition laban sa isang lalaki kaugnay ng umano’y pagkakasangkot nito sa kumalat na “Bikoy” videos.

BIKOY_ONLINE

Dinala ng NBI si Rodel Jayme sa Department of Justice (DoJ) para sa interogasyon para sa inciting to sedition in violation of Article 142 of the Revised Penal Code in relation to Section 8 of Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).

Isinampa ang reklamo matapos na magtungo ang NBI’s Cybercrime Division (NBI-CCD) sa bahay nito sa Parañaque City nitong Abril 30, para magsilbi ng search warrant at kinumpiska ang kanyang computer at mobile phone para sa forensic examination.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang operasyon ay bahagi ng kasalukuyang imbestigasyon bilang pagsunod sa direktiba ni Justice Secretary Menardo Guevarra, na alamin kung sinu-sino ang nasa likod ng Bikoy videos.

Nitong nakaraang buwan, ibinahagi sa Youtube ang mga video, na may titulong 'Ang Totoong Narcolist', na kinatatampukan ni Bikoy na nagsabing siya ay dating miyembro ng isang drug syndicate.

Sinabi ni Bikoy sa mga video na ang pamilya ni Pangulong Duterte at dati niyang aide, si senatorial bet Christopher “Bong” Go, ay sangkot sa illegal drugs trade.

Si Jayme ang administrator ng metrobalita.net kung saan makikita ang mga link ng video.

Idinagdag ng NBI na umaksiyon ito sa reklamo ni Teresa Ranola, na ang kanyang pangalan ay nabanggit sa isa sa mga video bilang miyembro ng Quadrangle Group, na sangkot din sa narcotics trade.

Sa kanyang referral letter, sinabi ni NBI Director Dante Gierran na ang computer at mobile phone ay isasailalim sa forensic examination kung saan nabasa ang Facebook conversations nina Maru Nguyen at Maru Xie, na pinaniniwalaang iisang tao.

“Based on the retrieved conversations, there is continuity of their efforts to conduct their scurrilous libelous attacks against the Government,” ani Gierran.

“The conversation so revealed that these attacks are planned and with the backing from certain personalities,” dagdag niya.

Kabilang sa conversations, sinabi ni Gierran na si Nguyen “admitted of posting the Bikoy videos on the website ‘metrobalita.net’.”

Sinabi rin ni Nguyen kay Jayme na si Duterte ay iniimbestigahan ng US Drug Enforcement Agency (DEA).

-Jeffrey G. Damicog