PUPUSTA ako, piso manalo ng tsubibo, karamihan sa inyo ay ‘di man lang naramdaman na nitong buong Abril ay ipinagdiwang ang “Buwan ng Panitikan Filipino”, na ipinatutupad taun-taon sa bisa ng Proklamasyon Bilang 968, na nilagdaan noong 2015.
Isa ako sa mga “guilty” lalo pa’t umiinog ang buong buhay ko sa gitna ng mga balita at kuwentong pampanitikan bilang isang dedikadong mamamahayag sa loob ng apat na dekadang nagdaan – ngunit ‘di ko man lang ito alam!
Aksidente ko lamang nalaman ang pagdiriwang nitong nakaraang Sabado habang nagpapatay ako ng oras sa SM Mall sa San Marcelino Street, Maynila at narinig ko ang mga linya, na kung tawagin ng mga kabataan ngayon ay “hugot lines”, mula sa grupo ng napipiho kong mga millennials, na umalingawngaw mula sa isang loudspeaker sa basement ng mall.
Pagtingin ko sa lugar ng pinanggagalingan nang umiindayog na mga pangungusap, isa pala itong book store na ang pangalan ay Precious Pages, na noong oras na iyon – ganap na 5:00 ng hapon – ay nagdaraos ng animo’y balagtasan, na pinamagatang #HINAGPIS, na sa pagkakaintindi ko naman ay pawang mga “hugot lines” na kinaaliwan kong pakinggan.
‘Di kalakihan ang lugar na umaapaw sa mga nagkakatuwaang kabataan habang nakikinig sa mga “hugot lines” ng kalahok, na may hawak na mikropono, at ang mga linyang hinahabi nito ay binabasa sa hawak na cell phone – yes, smartphone ang sulatan nila ngayon, ‘di notebook at yellow pad na gamit namin noon!
Nakisiksik ako para makapasok sa bookstore at makita nang malapitan ang mga kasali, at marinig nang malinaw ang mga nakakikiliting “hugot lines” ng mga kabataang ito. Sumiksik agad sa isipan ko na maling-mali pala ako sa aking palagay na namatay na ang panitikang Filipino sa henerasyong ito dahil sa kakaibang paggamit nila ng mga salita at kataga sa makabagong paraan nang pakikipagtalastasan -- ang pagte-text.
Isang empleyado, si Stefhanie Ann Yanes, namamahala sa naturang programa, ang nakapuna sa akin – marahil bilang isang matandang usisero na tila naligaw sa bookstore –ang agad na lumapit at ipinaliwanag ang aktibidad nilang iyon sa lugar. Napansin niya kasing aliw na aliw ako sa kanilang programa!
Kuwento niya, kulang sa isang buwan ang kanilang paghahanda ngunit sinalihan na ito ng napakaraming kabataan na miyembro ng “online free-reading site” na BOOKLAT ( https://www.booklat.com.ph/) na sinasabing isang “Filipino Writers’ Hub” kung saan nagtatagpo ang mga kabataan nating patuloy na nagmamahal sa ating panitikan!
Ito ang ilan lamang sa tumimong “hugot lines” sa aking isipan:
Nathaniel Villaviray: “Naririnig kita, naiintindihan kita dahil pareho lang naman tayong dalawa, ang pagkakaiba nga lang ay minamahal kita, habang ikaw naman itong may mahal na iba.”
Van Dela Cruz: “Hindi ninyo kailangan mag-ingay upang mapakinggan!”
Trisha Mae S. Nacar: “Tumitingala sa tala, mapigilan lamang mga luhang gusto nang kumuwala. Pa’no ako magpapanggap na masaya, kung ang magkahawak-kamay n’yo ang aking makikita?”
Christian Edward Ponseca: “Minsan, kailangan mong tanggapin na meron siya sa mundo mo pero walang ikaw sa mundo niya.”
Pag-alis ko sa lugar, sobrang gaan ng aking pakiramdam. Parang gusto ko na ring gumaya at magsulat ng narinig kong “hugot lines” ng mga kabataan na ilang oras ko ring nakahalubilo.
Pumasok ako sa Max’s Restaurant upang doon hintayin ang dati kong GF, na nag-iikot sa paborito niyang mga tindahan.
Habang naghihintay kay Aymi, naitipa ko ito sa aking cell phone: “Tumatangis ang puso ko kapag ‘di kita nakikita. Natutuwa ang damdamin, kalooba’y nagsasaya, kapag aking namamalas ang ganda mong sinasamba.”
Nakahahawa at nakapagpapabata ng pakiramdam ang mga millennial na manunulat at makata!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.