NAKAKAINTRIGA ang haka-hakang pinakalat ng Malacañang na mga mamamahayag umano ang utak sa likod ng tinatawag nilang balangkas na pabagsakin ang pamahalaan. Para na ring tiyakang sinabi nilang ang mga mamamahayag sa iba’t ibang media ay mga kalaban ng estado.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, totoong mayroong matatapang na mamamahayag ang umalsa laban sa mga mananakop, o kaya ay sumapi sa mga kilusang lantarang lumaban sa diktadurya, ngunit sa panahon ngayon ng makabagong mga teknolohiya, bihira na ang ganung lahi nila.
Ang akusasyon sa media kaugnay ng umano’y balak na pagpapatalsik sa administrasyon ay tila pagsubok din sa kalayaan ng media, sa kabila ng walang katapusan at patung-patong na banta sa kanila. ‘Di gaya ng pulis na armado ng baril, tanging tibay lamang ng loob ang pananggalang ng mga mamamahayag.
Sa pagsusuri, ang umano’y balangkas ng pagpapatalsik sa Pangulo ay parang gawa-gawa lamang ng mga bagito, puno ng mga kabaliwan, at walang sustansiya. Lalo pang nakakaintriga ang lumalabas ng panay mamamahayag at militanteng mga abogado lamang ang kasangkot sa plano at wala ni isa mang mula sa oposisyong pulitikal.
Nag-iiwan ng masamang lasa sa bibig ang bintang sa media bilang mga “coup plotters.” Nagbibigay din ito ng impresyon na ang sinumang magbubulgar ng mga kabugukan at kabulukan sa pamahalaan ay kandidato para patahimikin ng mga nabubulgar. Hindi lamang ito pagiging balat-sibuyas. Nagpapahalata rin ito ng kawalang pagkilala sa mahalagang papel ng media sa pagsulong ng isang matatag, malaya at makataong lipunan.
Papel ng media na iulat ang mga kaganapang nagagaganap, bagama’t maraming kaguluhan ang namamagitan sa ginagawang pag-uulat. Magkaganon man, hindi sapat na dahilan ito upang isaksak ang mga mamamahayag sa labanan ng magkakaaway dahil lamang sa mga usaping iniuulat nila.
Ang sobrang madramang pagpapapatalsik umano sa Pangulo ay pinaniniwalang pagsubok lamang sa magiging reaksiyon na publiko. Sa totoo lang, walang matinong tao ang magtatangkang mag-suicide laban sa pamahalaan sa panahong napakataas ang suporta dito ng publiko.
Dapat marahil ituring ng Malacañang ang media, mga militante at pati oposisyong pulitikal na may kakayanan ding makiisa sa kanila tungo sa pangkalahatang kagalingan. Ang pagturing sa kanila bilang mga tagapagpatalsik at tila nagpapahiwatig na nasa “panic mode” ang pamunuan.
Marapat din sikapin ng responsableng pamahalaan na ituring na kabalikat ang lahat. Kung nagagawa nito tanggapin ang maybahid-dugong kamay ng mga rebelde at makipag-usap ng kapayapaan sa kanila, bakit naman hindi sila makipag-kamay sa media?
-Johnny Dayang