PADER ang binubunggo ng Oposisyon sa halalang ito. Maghalalan na nasa ilalim ng martial law ang Mindanao. Ang Mindanao rin at iba pang bahagi ng bansa ay nasa ilalim ng Comelec control. Hindi nag-aatubili si Pangulong Duterte na maglabas ng matrix at listahan ng mga umano’y sangkot sa droga at pagpapatalsik sa kanya sa puwesto.
Patuloy na umiiral ang kanyang war on drugs at ang walang patumanggang pagpatay. Sa nakaraang debate ng mga senatorial candidates, narinig natin ang “pambato” ng Pangulo sa Senado na si Gen. Ronald dela Rosa nang kontrahin niya ang mga kandidato ng Otso Diretso, na nanawagan ng paggalang sa rule of law at due process sa mga pagpatay sa mga dukha na sangkot umano sa droga. Sabi ni Dela Rosa, “Ano ang inyo gusto, iyong patayin ng mga lango sa droga ang mga inosenteng mamamayan o ipagtanggol ang mga addict na pumapatay?” Maaaring magandang puntong makabubuti sa kandidatura ni Gen. Bato, pero hindi dito nililimitahan ang isyu sa pagpapairal ng war on drugs. Argumento kasi ito ng mga taong gubat. Ang dapat na maging katanungan ay: Nakatira ba tayo sa gubat na lakas ang batas o sa sibilisadong lipunan na ang katiwasayan at katahimikan dito ay nagbubuhat sa puwersa ng batas?
Iyong pagpatay at pagpapalabas ng listahan ng mga umano ay may kaugnayan sa droga, lalo na sa panahong nalalapit ang halalan, ay nagbigay takot sa mga pulitiko at kasalukuyang nanunungkulan upang lumabas sa publiko para sa napupusuan nilang kandidato. Nilimitahan ng pangamba para sa kanilang kaligtasan ang kanilang karapatan. Kaya, gusto man nila o laban sa kanilang kalooban, tunay man o hindi, ikinakampanya nila o sumasama sila sa kampanya para sa mga kandidato na iniendorso ng Pangulo. Kapag kasi ipinakita nila na laban sila sa mga ito o kaya ay sumama sila sa mga kandidato ng ibang partido, natatakot silang balikan o gantihan ng Pangulo na sa ilalim ng Saligang Batas ay may tatlong taon pang natitira sa kanyang termino. Kaya, ang mga kandidato ng Oposisyon ay nangangampanya na walang hayagan tulong ang mga lokal na pulitiko hindi katulad ng mga kandidato ni Pangulong Duterte. Umaasa lamang sila sa pagsulong ng kanilang kandidatura sa mga pagkukusa ng mga mag-aaral, propesyunal at lider ng mga samahan na naniniwalang kailangan ang kanilang pagwawagi para sa ikabubuti ng bayan.
Ibang usapan naman ang paghalal ng mga mammayan na nasa lugar na hayag ang presensiya ng mga sundalo, pulis at iba pang armadong grupo dahil sa martial law at Comelec control. Magkakaroon kaya sila ng sapat na lakas ng loob para gamitin ang kanilang kapangyarihan at karapatang bumoto? Pero, ganito man ang kondisyon at ang Pangulo mismo ang nag-eendorso sa mga kandidato ng administrasyon, humuhugot naman ng lakas ang Oposisyon sa kahirapan, kagutuman, kaapihan at kawalan ng katarungan. Dito galing ang lakas ng bayan nang gibain nito ang pader ng diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
-Ric Valmonte