INILABAS noong nakaraang linggo ng Ateneo Human Rights Center ang isang pag-aaral tungkol sa “Oplan Tokhang” ng pamahalaan laban sa matinding problema ng bansa sa ilegal na droga.
Ang “Tokhang”—mula sa salitang Visaya na “toktok” (katok) at “hangyo” (makiusap)—ang programa ng Philippine National Police (PNP) upang solusyunan ang problema ng bansa sa droga. Inaatasan nito ang mga pulis na puntahan isa-isa ang mga bahay ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga, upang katukin at himuking tigilan na ang kanilang mga gawaing may kinalaman sa ilegal na droga. Gayunman, may utos sa pulisya na depensahan ang kanilang sarili sakaling pumalag ang suspek sa gagawing pag-aresto.
Sa pagpapatupad ng kampanyang ito, ayon sa pag-aaral ng Ateneo, ilang karapatan ng mga suspek ang “made vulnerable”, kabilang ang karapatan sa karampatang proseso, ang karapatan na ituring na walang sala, ang karapatan laban sa pagpapahamak sa sarili, ang karapatang sa pagiging pribado, at ang karapatan laban sa mga walang katwirang paghahalughog at pagdakip nang walang utos ng korte.
Sinabi ni PNP Chief General Oscar Albayalde na tinatanggap nila ang paglalabas ng mga natuklasan at konklusyon sa pag-aaral ng Ateneo. “We are willing to listen and engage all sectors, including the academe that are concerned and willing to assist the Philippine National Police in the fight against illegal drugs,” aniya.
Ayon sa Ateneo Center, nakapagtala ito ng 7,029 na pagpatay simula Mayo 10, 2016 hanggang sa Disyembre 31, 2018. Ang bilang naman ng gobyerno, hanggang nitong Marso 7, 2019, ay 5,281 ang napatay ng mga pumalag sa pag-aresto, o iyong mga nanlaban. May hiwalay na listahan ang pamahalaan ng 23,983 na “deaths under inquiry”.
Inatasan ng Korte Suprema ang gobyerno na isumite ang lahat ng dokumentong may kinalaman sa kampanya kontra droga. Ang unang pagkakataon na ipinalabas ng korte ang nasabing utos ay noong Disyembre 2018, subalit sinabi noon ng solicitor general na hindi siya maaaring tumalima sa nasabing utos dahil ang nasabing impormasyon ay makaaapekto sa pambansang seguridad. Muling inilabas ng korte ang utos nito noong nakaraang buwan at dapat na kaagad na sumunod dito ang pamahalaan.
Inilunsad ang “Oplan Tokhang” sa pagsisimula pa lang ng administrasyong Duterte upang maresolba ang problema sa ilegal na droga, na napatunayang mas malawak at mas matindi pa pala kaysa unang pinangambahan. Tinatanggap natin ang lahat ng pag-aaral at pagsisiyasat, gaya ng ginawa ng Ateneo Human Rights Center, at ang tugon ng PNP na pakinggan ang mga usaping inilatag ng institusyon.
Ngayong handa na ang gobyerno na tumalima sa utos ng Korte Suprema na ilabas ang mga dokumentong may kinalaman sa mga pagpatay, dapat na maresolba na rin natin ang lahat ng pagkakaiba-iba sa bilang ng mga nasawi sa kampanya kontra droga, at higit sa lahat, tiyaking iginagalang at isinasaalang-alang ang lahat ng karapatang legal sa pagpapatuloy ng kampanya kontra ilegal na droga.