Napatay ang isang dating miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) nang pagbabarilin ng tatlong hindi nakikilalang lalaki sa Pioduran, Albay, kaninang madaling araw.

Kinilala ni Albay Police Provincial Office (PPO) assistant information officer, Corporal Charmie Mayores, ang biktima na si Maximo Palencia, taga-Bgy. Binodegahan, ng nabanggit na bayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dinukot ng tatlong armadong suspek ang biktima at pinagbabaril ito sa halos 300 metrong layo mula sa bahay nito, dakong 5:15 ng madaling araw.
Binawian ng buhay si Palencia sa pinangyarihan ng insidente dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Sa pahayag naman ng mga kamag-anak ng biktima, konektado umano si Palencia sa alkalde ng nasabing bayan.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek na tumakas matapos ang krimen.
-Nino N. Luces