SA paanyaya ni Willie Fernandez, founder ng bagong fans club (VSFFI) ni Batangas Rep. Vilma Santos-Recto, eksklusibo naming nakausap ang kumakandidatong gobernador ng Bulacan at ang dating aktor na si incumbent Vice Gov. Daniel Fernando.

Daniel copy

Matatandaang bago pa pagbawalan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidatong celebrities sa paglabas sa mga serye at pelikula, may serye noon si Daniel sa ABS-CBN, ang Ikaw Lang ang Iibigin, with Kim Chiu at Gerald Anderson. Dahil February pa lang ay inilabas na ng Comelec ang nasabing kautusan, tsinugi na ang kanyang role sa serye.

Kuwento ni Daniel sa amin, nang nagka-casting daw ang The General’s Daughter, na pinagbibidahan ni Angel Locsin at nagsimulang umere noong Marso sa Kapamilya network, in-offer daw sa kanya ang role bilang Gen. Santiago, tatay-tatayan ng karakter ni Angel, na ginagampanan na ngayon ni Tirso Cruz III.

Tsika at Intriga

Chloe, matapang na niresbakan nagsabing niretoke ilong niya

At dahil sakop ng pag-ere ng serye ang ban para sa pangangampanya ng mga kandidatong celebrities, malugod daw na tinanggihan ni Daniel ang nasabing role.

“Dapat talaga, akin ‘yung kay Tirso sa The General’s Daughter. Kaming dalawa dapat ni Albert (Martinez) ang maglalaban du’n,” bungad sa amin ng bise gobernador.

Aminado siyang nanghinayang siya sa pinalampas na offer.

“Sayang, kasi alam ko na maganda ang role, at ang sabi,para sa akin daw ‘yun. ‘Yun nga, dahil sakop pa ng election ban, hindi ko tinanggap, bawal pa. At saka, hindi ko kakayanin.”

Nababanaag namin sa aktor-pulitiko ang panghihinayang na napunta sa iba ang role. Kung siya raw ang masusunod, hanggang maaari ay gusto niyang umaakting kahit siya’y isang public servant.

“Nanghihinayang talaga ako ‘pag may mga magagandang offer na napapalampas ko, gaya nitong sa TGD, kasi ang sarap paglaruan nu’ng role, eh. Kaso wala tayong magagawa.” Hanggang maaari raw, gusto ni Daniel na gumawa ng serye every year.

“’Yun nga ang hihilingin ko sa mga taga- Bulacan. If ever manalo ako. Isang teleserye sa loob ng isang taon. Pero hindi role na maliliit. Hindi na ako tumatanggap ng role na maliliit,” ani Daniel, sabay tawa.

“Gusto ko ‘yung role na talagang mahaba at markado. Katulad nu’ng role ko (bilang si Rigor) sa Ikaw Lang Ang Iibigin. Gusto ko ‘yung mga ganoon.” Samantala, masaya si Daniel na mas mataas ang rating na nakukuha niya sa mga surveys, kumpara sa katunggali niya sa gubernatorial race.

“Okey naman ‘yung mga lehitimong survey, 70-30. Lamang ako. Hopefully, magtuluy-tuloy.

“Hindi naman ako nagpapabaya. Wala na nga akong tulog. Simula pa nu’ng December, dalawang oras lang ang tulog ko. So, mas grabe pa itong campaign kaysa taping. At least, ‘pag wala kang taping, nakakatulog ka nang kumpletong oras. At kinabukasan, on that day, makakakain ka pa, makakapag-gym ka.

“Hindi katulad ng campaign, iba talaga. Kailangan araw-araw ka talagang nasa kalye, nangangampanya, na umaabot talaga hanggang madaling araw,” kuwento pa ni Daniel sa amin.

-Ador V. Saluta