NAKUHA ng ekonomiya ng Pilipinas nitong Biyernes ang mataas na puntos nang ilabas ng Japan Credit Rating Agency (JCR) ang pagtataya nito mula sa BBB+stable patungong BBB+positive.
Sinabi ni Secretary of Finance Carlos Domiquez III na ang pagtaas ng pagtataya ng JCR sa ekonomiya ng Pilipinas ay isang “recognition of the Duterte administration’s aggressive yet prudent economic policy of spending big on infrastructure modernization while maintaining fiscal discipline.” Iginiit naman ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno na tiyak na umaangat at napapanatili ng Pilipinas ang paglago ng ekonomiya, dahil na rin sa aktibong pagbabangko at sistema ng pananalapi.
Ang BBB+positive rating ng bansa, ay isang hakbang mula sa single-A credit rating na aakit sa mas maraming intitusyong mamumuhunan, na karamihan ay sumusunod sa isang polisiya ng pamumuhunan lamang sa mga A-rated na ekonomiya o korporasyon.
Sa kaparehong araw inanunsiyo ng JCR ang mas maganda nitong pagtataya sa ekonomiya ng Pilipinas, nabanggit ng isang international market intelligence firm na IHS Markit, ang patuloy na paglago ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa sa higit anim na porsiyento sa nakalipas na pitong taon at sinabing maaari pa itong madoble mula $330 bilyon noong 2018 sa $672 bilyon pagsapit ng 2026.
“The Philippines is forecast to be one of Asia’s trillion-dollar economies by 2032, with per capita GDP reaching around $8,200. Over the next decade, sustained rapid economic development will result in a significant reduction in poverty levels,” dagdag pa ng IHS Markit.
Ang nagpapatuloy na “Build, Build, Build” infrastructure program ng administrasyon ay nabanggit bilang isang pangunahing tagapag-ambag sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa, ngunit nabanggit din ng market intelligence firm ang ilang ibang mga salik—ang patuloy na pagdaloy ng remittances mula sa mga Overseas Filipino Workers, ang malaking paglago ng Business Process Outsourcing, ang patuloy na paglakas ng industriya ng electronics—ang pinakamalaking export sector ng bansa, at ang lumalagong gitnang uri (middle class) kasama ng lumalawak nitong ‘consumption spending’.
Napuno ang bansa kamakailan ng mga ulat hinggil sa problema ng masamang panahon, lindol, karahasan ng mga krimen, bintang ng kurapsyon sa pamahalaan, at ang nagaganap na panahon ng halalan. Lahat ng ito ay mahalagang bahagi ng buhay ng bansa, ngunit nakalulugod din malaman na sa gitna ng mga pagsubok na ating pinagdadaanan, patuloy na umaangat ang ating ekonomiya at napansin ito ng mga dayuhan.