INAPRUBAHAN na ng Department of Agriculture’s Philippine Rural Development Project (DA PRDP) ang 18 sub-projects, na nagkakahalaga ng P829-milyon, para sa probinsiya ng Ifugao upang maiangat ang pamumuhay ng mga residente, lalo na ang mga naninirahan sa mga malalayong lugar.
“There are approved infrastructure sub-projects worth more than PHP802 million and enterprise sub-projects worth more than PHP27 million,” pahayag ni Ma. Imelda Isabel Zabala, Information, Advocacy, Communication and Education (InfoACE) unit ng PRDP sa Cordillera Administrative Region, nitong Miyerkules.
Base sa listahan na ibinahagi ng ahensiya sa PRDP website, kabilang sa mga natapos nang proyekto ang P1.9 milyong potable water system project sa Banaue na nakatutulong na ngayon sa 673 tahanan.
Habang kabilang naman sa mga proyektong binubuo ang siyam na communal irrigation systems para sa 211.59 ektaryang sakahan na nagkakahalaga ng P44.4 milyon; isang farm-to-market road (FMR) kasama ang proyektong tulay na may sukat na 11 kilometers at nagkakahalaga ng P176 milyon; at apat na potable water system project na may halagang P9.8 milyon, lahat ay sa Banaue.
Mayroon ding tatlong proyekto sa Banaue at sa bayan ng Mayoyao na pinopreseso pa.
May tatlong pipeline project din na nagkakahalaga ng P454 milyon –isang 600 square meter slope protection project sa bayan ng Asipulo town at dalawang FMR sa Lamut at Lagawe may kabuuang haba na 37 kilometre.
Para sa mga proyektong pangkabuhayan, natapos na ang restoration at rehabilitation ng livelihood project para sa pag-aalaga ng baboy sa bayan ng Hungduan.
Habang nagpapatuloy ang mga proyekto kabilang ang restoration at rehabilitation ng cattle fattening at marketing sa Lagawe, at ang pagsasaayos at pagpapalawak ng processing at marketing ng export quality Ifugao heirloom rice sa Banaue.
Ayon kay Zabala, ang Ifugao partikular ang Banaue, ang top grosser sa gastos ng mga subproject.
Ang rehiyon naman ng Cordillera ang may pinakamataas na “approved total project cost” at pangalawa sa kabuuang bilang ng mga sub-projects sa Luzon A Cluster, na binubuo ng Cordillera, Regions 1, 2, at 3.
Sumunod dito ang Kalinga na may P796.82 milyon total cost para sa walong proyekto; kasunod ang Benguet sa P478.87 milyon para sa 30 sub-projects; Mountain Province sa P348.83 milyon sa 15 sub-projects; Apayao sa P288.02 milyon para sa 11 sub-projects at Abra na may P80.02 milyon para sa 16 sub-projects.
Ang PRDP ay anim na taong proyekto sa ilalim ng DA at katuwang na pinopondohan ng ahensiya at ng World Bank, national government at mga LGU’s na layong makapagtatag ng “modern and climate-resilient agriculture and fisheries sector”.
Kabilang sa mga proyekto nito ang FMRs, bridges, slope protection, tramline, communal irrigation systems at potable water system.
PNA