Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lalaking sangkot sa pagpo-post ng tinawag na “Bikoy” videos, na nag-aakusa sa pamilya ni Pangulong Duterte at associate nito na sangkot umano sa illegal drugs trade.
Kinumpirma ngayong Huwebes ni Department of Justice (DoJ) Secretary Menardo Guevarra ang pag-aresto ng NBI.
"A search warrant was issued and served," ayon kay Guevarra.
Samantala, sinabi ng DoJ chief na patuloy ang pagkilos ng NBI upang arestuhin ang iba pang sangkot sa videos, at mismong si Bikoy.
“It was the person who uploaded the video who was arrested for cybercrime, specifically cyberlibel,” paliwanag ni DoJ spokesman Undersecretary Markk Perete.
Kinumpirma rin ni NBI Public Information Office (PIO) Chief Nicanor Suarez na “the NBI has in custody a person of interest.”
Samatala, tumanggi si Suarez na magbigay ng karagdagang impormasyon at tiniyak lamang na magkakaloob ng detalye sa oras na iniharap na ito bukas, Mayo 3.
Nag-viral sa social media ang videos na may titulong “Ang Totoong Narcolist”, at inakusahan ang pamilya ni Duterte at si senatorial bet Christopher “Bong” Go na sangkot sa narcotics trade.
-Jeffrey G. Damicog