MAY kakayahan ba ang media organization o grupo ng mga journalist na pabagsakin sa puwesto si Pres. Rodrigo Roa Duterte? Ang katanungang ito ay umalingawngaw sa bansa kasunod ng nalathalang news o balita ng isang English broadsheet noong nakaraang linggo. Batay sa opinyon ng ilang analyst, walang kakayahan ang industriya ng media o mga organisasyon nito na magpabagsak ng isang Pangulo.

Kahit noong Edsa One o People Power Revolt noong Pebrero 1986 na pinangunahan nina ex-Defense Minister Juan Ponce Enrile at ex- Vice Chief of staff Lt. Gen. Fidel V. Ramos, hindi ang media ang nanguna o nagpasimuno sa pagpapabagsak sa 20-taong diktadurya ni ex-Pres. Ferdinand E. Marcos. Kailangan ang suporta ng militar at ng mga mamamayan.

Ganito rin ang nangyari sa pagpabagsak sa puwesto ni ex-Pres. Joseph Estrada noong 2001. Ang nasa likod at nagsagawa ng pagpapalayas sa Malacañang kina Marcos at Estrada ay ang taumbayan na suportado ng militar. Sa Constitution, maliwanag na nakasaad na ang militar ang protector o tagapagtanggol ng Estado at ng mga mamamayan.

oOo

Totoo kaya ang mga ulat na ang Sabah na kini-claim ng Sultante of Sulu at ng gobyerno ng Pilipinas, ay ginagamit umano ng Islamic State (IS) militants sa pagpasok sa Pilipinas? Layunin daw ng IS na magtatag ng mga bases o kampo rito upang ilunsad at isagawa ang kanilang terorismo.

Noong nakaraang Huwebes, binanggit ng Malay Mail si Police Inspector General Tan Sri Mohamad Fuzi Harun, na nagsabing naghahanap ang mga IS militants ng mga lugar na pagtatayuan ng kanilang bases dahil tumatakas at umaalis na sila sa Syria at Iraq.

Huwag sanang pabayaan ng Duterte administration ang pagpasok sa bansa ng mga teroristang IS sapagkat lalong gugulo ang Pilipinas lalo na ngayong ginigiyagis tayo ng problema sa West Philippine Sea sanhi ng patuloy na pagdagsa ng mga barko ng China sa mga reef, shoal at isla na saklaw ng teritoryo ng PH.

oOo

Dumalo si PRRD sa Belt and Road Forum na ginanap sa Beijing. Doon ay nakausap niya ang kanyang BFF, si Chinese Pres. Xi Jinping. Nagkaroon sila ng bilateral talks, ayon sa mga report, na umano’y naging produktibo. Sana naman ay nahikayat ni Mano Digong si Pres. Xi na paalisin na ang mahigit 200 barko na umaaligid sa Pag-asa Island na okupado ng PH. Sana ay atasan din ng BFF ng ating Pangulo ang Chinese Coast Guard na payagang makapangisda ang mga Pilipinong mangingisda sa Panatag Shoal.

Ayon nga sa taumbayan, kung talagang kaibigan ni PDu30 si Pres. Xi, dapat ay mabait ang China sa Pilipinas, hindi ginigipit, hindi itinataboy, at hindi inookupa ang mga lugar na saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.

Masisisi ba natin ang mga kababayan na maging mapanuri sa eleksiyon sa Mayo 13 at pag-isipang mabuti kung sino ang kanilang iboboto? Sila ba ay boboto sa mga kandidato ng OTSO DIRETSO na lantarang kontra sa ginagawa ng China o sa Hugpong ng Pagbabago at PDP-Laban na medyo malamya sa isyu ng relasyon ng Pilipinas at China?

-Bert de Guzman