Nakubkob ng tropa ng pamahalaan ang kuta ng New People’s Army sa General Nakar, Quezon, nitong Miyerkules.
Ito ay makaraang abandonahin ng tinatayang aabot sa 30 rebeldeng kaanib ng Platoon 4A2, Sub-Region Military Area (SRMA) ang nasabing lugar matapos makasagupa ng mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion 4A at 801st Infantry Brigade sa Barangay Canaway, kamakalawa.
Ayon sa militar, nagsisilbi ring training camp ng mga bagong recruit ng kilusan ang nasabing lugar matapos madiskubre ang mga bagong tayong istraktura.
Nasamsam sa pinangyarihan ng engkuwentro ang limang sakong bigas, mga gamit sa paggawa ng improvised explosive device (IED), pitong 1.5 volts na baterya, pitong magazine ng mahahabang baril , 210 na rolyo ng bala, at iba pang subersibong dokumento.
Tinutugis pa rin ng tropa ng pamahalaan ang mga rebelde na tumakas patungo sa bulubunduking bahagi ng nasabing bayan.
-Danny Estacio