Labing-isang katao ang nasugatan matapos bumangga sa poste ang sinasakyan nilang bus na nawalan ng preno sa Atok, Benguet, nitong Miyerkules ng hapon.

Sinabi ni Maj. Carol Lacuata, information officer ng Police Regional Office-Cordillera, na batay sa ulat ng Atok Municipal Police Station, ang insidente ay naganap sa Km. 25 Halsema Highway, Barangay Caliking, dakong 5:00 ng hapon.
Sa imbestigasyon, binabagtas ng pampasaherong bus na Rising Sun (WZO 568) na minamaneho ni Regan Bullion Ginoban, 33, ng Poblacion, Bauko, Mt. Province, ang Baguio-Bontoc road at habang pababa sa may pakurbang bahagi ng kalsada ay bigla umano itong nawalan ng preno.
Dahil dito, agad na ibinangga ng driver sa poste ang nasabing bus upang hindi ito tuluyang mahulog sa bangin.
Sa nasabing bilang, isinugod sa Benguet General Hospital ang 11 na pasahero na nakilalang sina Rona Serafica Fernandez, 23; Jun Belmonte Habiling Ogayon, 50;Julia Dulnuan Ogayon, 50; Sylvia Sabaday Padsing, 60; Purita Jocsi Serafica, 53;Emilia Senong Olosan, 61; Maria Paspas Sapawel, 81; Susana Kiat-ong Bandas, 95; Rosemarie Dizon Bragado, 56; Bernadette Ripa Dela Cruz, 35, at Crislen Soliken Dumanas, 25, dahil sa mga sugat nila sa katawan.
-Rizaldy Comanda