Patay ang 14-anyos na babae nang pagsasaksakin ng kanyang tiyuhin sa Valenzuela City, nitong Miyerkules.

Hindi na umabot nang buhay sa Valenzuela City Medical Center si Clarisse Joy Marcelo, ng No. 20 Adriano Street, Barangay Malanday sa nasabing lungsod, na nagtamo ng apat na saksak sa likod at apat sa dibdib.
Sa follow-up investigation, dinampot ang person of interest na si Rusty Marcelo, 30, ng No. 18 Adriano St., Bgy. Malanday, Valenzuela City.
Ayon kina P/SSG Regor Germedia at P/SMS Ronald Tayag, ng Station Investigation Unit (SIU) ng Valenzuela Police, nakita umano ni Rosario Marcelo, tiyahin ng biktima, si Clarisse Joyce na duguang nakahandusay malapit sa gate ng bahay, bandang 9:30 ng umaga.
Agad na tinawag ni Rosario ang tatay ng biktima, si Danilo Marcelo, at isinugod sa ospital, ngunit huli na ang lahat.
Nagsagawa ng follow-up investigation sina SMS Tayag at SSG Germedia, at pinuntahan ang bahay ng suspek dahil doon umano nanggaling si Clarisse Joyce bago ang insidente.
Nakuha ng mga imbestigador ang patalim na ginamit sa krimen, ngunit hugas na ang patalim nang isuko ito sa awtoridad.
Maging ang sahig sa bahay ng suspek, kung saan dumaloy ang dugo ni Clarrise Joyce, ay malinis na.
Dahil hindi makapagpaliwanag, dinala si Rusty sa presinto at kinasuhan ng murder in relation to RA 7610 (Anti-Child Abuse Law).
Kalaunan, inamin umano ng suspek na kaya niya pinatay ang pamangkin ay dahil galit siya sa kuya nito.
-Orly L. Barcala