Mahigit 1,000 pamilya ang nawalan ng masisilungan sa magkasabay na sunog sa magkahiwalay na barangay sa Quezon City nitong Martes, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

(kuha ni KEVIN TRISTAN ESPIRITU)

(kuha ni KEVIN TRISTAN ESPIRITU)

Nasa 500 bahay, karamihan ay gawa sa light materials, ang nilamon ng apoy sa Sitio Ambuklao sa kahabaan ng Mendez Road sa Barangay Baesa, ayon sa fire department.

Ayon pa sa BFP, nagsimula ang apoy sa kusina sa bahay ng isang Eddie Lero, 57, bandang 4:32 ng hapon.

National

PBBM, pinahahanap student athletes na nag-wacky ng mukha sa speech niya

Makalipas ang mahigit apat na oras, idineklarang under control ang sunog, dakong 8:25 ng gabi, at naapula sa ganap na 11:00 ng gabi.

Sugatan ang isang bumbero at 27-anyos na lalaki. Isang 70-anyos na babae ang nahilo habang isa pang bumbero ang nagka-sprain sa balikat.

Tinatayang nasa P2 milyon ang halaga ng mga naabo.

Samantala, 80 pamilya ang nasunugan sa kahabaan ng Sinagtala Street sa Barangay Bahay Toro, ayon sa BFP.

Ang sunog, na iniulat na nagsimula sa nasabi ring oras nang magkaroon ng sunog sa Bgy. Baesa, ay mabilis na itinaas sa ikalimang alarma bandang 5:17 ng hapon.

Makalipas ang ilang oras, idineklarang under control bandang 7:30 ng gabi, at tuluyang naapula dakong 10:00 ng gabi.

Nasa 50 bahay ang nilamon ng apoy, na karamihan ay gawa sa light materials, ayon sa fire department.

Ayon kay Police Lieutenent Alex Alberto, ng Quezon City Police Station 3 (Talipapa), walang sugatan sa insidente.

Tinatayang nasa P250,000 ang halaga ng mga natupok.

-Jhon Aldrin Casinas at Jun Fabon