ILANG buwan nang hindi gaanong naririnig ang mga diskusyon tungkol sa isyu ng pederalismo. Setyembre at Oktubre pa noong nakaraang taon nang magkaroon ng malaking diskusyon hinggil sa isyung ito nang ilabas ng Consultative Committee na binuo ni Pangulong Duterte upang pag-aralan ang isyu, ang mungkahing burador ng isang konstitusyon na naglalaman ng 18 rehiyon, na bawat isa ay may gobernador at gabinete, rehiyunal na ahensiya, rehiyunal na legislative assembly at rehiyonal na korte suprema. Ang lahat ng ito ay idaragdag sa dati nang institusyon at mga lokal na pamahalaan.
Agad na binatikos ang mungkahing ito ng dalawang opisyal ng pamahalaan—sina Finance Secretary Carlos Dominguez III at Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia—na itinuon ng dalawa sa malaking gastos ng plano. Mangangailangan ito, anila, ng P156 hanggang P253 bilyon para sa dagdag na mga gusali, opisina, at suweldo, bagamat sinabi ng Consultative Committee na gugugol lamang ito ng P13 bilyon.
Inihayag ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo na wala nang sapat na panahon ang kasalukuyang Kongreso para magpulong sa isang Constituent Assembly at dahil dito ipauubaya na ito sa susunod na Kongreso, na ihahalal sa Lunes, Mayo 13.
Nitong nakaraang linggo, isang biglaang deklarasyon ang sinabi ni Davao City Mayor Sara Duterte Carpio, anak ni Pangulong Duterte, hinggil sa kanyang pagkontra sa pederalismo. Aniya, maaaring magdulot ng gulo sa bansa ang mas malawak na pulitika at awtonomiya sa mga lugar na kontrolado ngayon ng mga angkan ng pulitiko. Una nang nagbigay ng komento rito si Senate President Vicente Sotto III na sinabing inirerespeto niya ang pananaw ni Mayor Sara sa pederalismo.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Pangulong Duterte hinggil sa komento ng kanyang anak. Tikom din ang kanyang bibig nang kuwestiyunin ng kanyang dalawang gabinete noong Oktubre ang mataas na gastos ng pagtatatag ng isang pederal na pamahalaan para sa bansa. Maging ang burador na binuo ng Consultative Committee ay hindi niya opisyal na inendorso sa Kongreso.
Sa simula ng kanyang panunungkulan, isinulong na ng Pangulo ang dalawang magkaugnay na adbokasiya—ang Bangsamoro Autonomous Region at ang pederalismo. Isinulong niya ang rehiyon ng Bangsamoro upang itama, aniya, ang makasaysayang inhustisya sa mga Moro ng Mindanao. Isinulong din niya ang pederalismo, ngunit hindi kasing tindi ng nauna. Maraming opisyal ang naniniwala na ang pagsusulong niya ng pederalismo ay isang kapalit o suporta lamang para ibigay sa mga Moro ang awtonomiya—sakaling mabigo sa Kongreso ang Bangsamoro.
Naitatag na ngayon ang Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BAMM) at nagsisimula na itong tumakbo gamit ang pondo ng pamahalaan. Nasa proseso na ngayon ng pagtutuwid ang makasaysayang inhustisya na matagal nang ikinababahala ni Pangulong Duterte.
Maaaring hindi na ngayon kailangan ang pederalismo para baguhin pa ang buong pamahalaan ng Pilipinas.