CONGRATULATIONS sa iyong graduation! So, ano nang susunod?
Ito marahil ang tanong na kahaharapin ng karamihan sa mga nagtapos matapos nilang namnamin ang lumipas nang graduation day. Pagkatapos ng mga graduation dinner at party, kakailanganin nang harapin ng nagsipagtapos ang kawalang katiyakan at excitement ng “tunay na buhay”. Hindi naman ibig sabihin na hindi totoo ang buhay sa eskuwelahan at unibersidad. Ang ibig lang sabihin, mas malalaki at seryoso ang mga paghamong kahaharapin mo ngayon, at kakailanganin mong mapagtagumpayan ito gamit ang sarili mong kakayahan.
Bagamat karamihan ay tinatawag itong graduation ceremonies, may mga tumutukoy din dito bilang commencement exercises. Sa isang banda, tunay na pagtatapos ito ng isang kabanata ng iyong buhay. Gayundin naman, isinisimbolo nito ang isang panibagong simula. Ang commencement ay nangangahulugan ng simula. Orihinal itong tumutukoy bilang “name given the ceremony of initiation for new scholars into the fellowship of university teachers in medieval Europe.”
Noong aktibo pa ako sa pulitika, at hanggang ngayon na pribadong mamamayan na lang ako, maraming beses akong nahilingan na magbigay ng mga commencement speeches. Tinatawag din itong “inspirational talks” ng ilan. Simple lang ang ideya—isang matagumpay na tao ang inimbitahang magtalumpati sa harap ng magsisipagtapos na estudyante upang magbigay-gabay, at marahil magbahagi ng ilang words of wisdom.
Daan-daang beses ko nang nagawa ito, pero naniniwala akong walang pangkalahatang payo na maibabahagi para sa bawat isa. Magkakaiba ang sitwasyon ng bawat isa sa atin. Walang buhay na magkakapareho. Pero naniniwala rin ako na may aral na mapupulot sa mga karanasan ng bawat isa sa atin—mabuti man ito o hindi. Ang mahalaga ay ang pakikinig, pag-unawa, at pagtanggap sa mga katotohanang sa tingin mo ay makatutulong sa iyo. Suriin itong mabuti mula sa kanilang konteksto, at tingnan kung paano ito magiging kapaki-pakinabang sa iyo.
Ngayong panahong ito, hayaan n’yo akong magbahagi ng ilang kaalaman sa mga nagsipagtapos ng pag-aaral. Ayaw kong tawagin ang mga ito na words of wisdom. Mas mainam sigurong tawaging tips mula sa isang taong matagal nang naglalakbay sa mga pasikut-sikot ng buhay.
Una, tiyaking may natututuhan sa anumang bagay. Walang nangyayari sa ating buhay na masasabi nating “waste of time” lang. Ang bawat sandali ay isang oportunidad upang may matutuhan. Matuto maging sa mga tao sa iyong paligid. Hindi nagtatapos sa graduation ang pagkatuto.
Pagkatapos kong mag-graduate, nagtrabaho ako sa isang accounting firm na Sycip Gorres Velayo & Co. (SGV). Ang nagtatag nito, ang yumaong si Washington Sycip, ay isang icon. Isa rin siya sa mga taong nagsilbing inspirasyon sa akin. Kahit nang umalis na ako sa SGV, madalas pa rin kaming nagkukuwentuhan ni Wash. May mga panahong nagpapadala rin siya sa akin ng notes. Marami akong natutuhan sa kanya.
Ikalawa, huwag matakot na mabigo. Ipagdiwang ang bawat tagumpay sa iyong buhay, pero ugaliin ding pagnilayan ang mga kabiguan mo. Higit tayong natututo sa buhay sa panahong hindi ito umaayon sa atin. Pinagbubuti ng mga kabiguan ang ating pagkatao, at ginagawa tayong matatag at may determinasyon. Ilang beses na rin akong nakaranas ng kabiguan. At tuwing nagmumuni-muni ako sa aking mga pagtatagumpay, lagi kong naaalala ang mga panahong nabigo ako.
Ikatlo, huwag mong hayaan ang pera, o ang suweldo mo, ang maging panuntunan ng iyong buhay propesyunal (o kahit ng iyong personal na buhay). Minsan, nagkakamali tayong tutukan ang mga bagay na pansamantala lang. Kung malaki ang suweldo mo ngayon, siyempre pa ay kuntento ka. Pero mahalagang isipin mo ang pang-long-term. Piliin mo ang mga trabahong magsasanay sa iyong mga kakayahan, at asintahin ang mga posisyong magdadagdag sa iyo ng mga kaalaman.
Karaniwang problemang kinakaharap natin ay ang katotohanan na nang pinili natin ang kurso natin sa kolehiyo, wala tayong impormasyon o maturity upang isipin kung saan tayo dadalhin ng ating kurso sa hinaharap. Ang propesyon bang ating pinili ay magiging kasing popular at kasing in demand makalipas ang apat na taon?
Ikaapat, huwag kalimutan ang mga aral na natutuhan mo sa iyong mga magulang at propesor. Ang mga ito ang magsisilbing armas mo sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Walang ultimate handbook kung paano magtatagumpay sa buhay. Ang pagtatagumpay ay nangangahulugang naunawaan mo ang iyong natatanging sitwasyon at ginawa mo ang sarili mong mga paraan upang mairaos mo ang sariling paglalakbay sa buhay.
Ang mga isinulat kong ito ay maaaring hindi kapaki-pakinabang sa kasalukuyan mong sitwasyon. Okay lang ‘yan. Dahil ngayon, pagkatapos ng graduation, sisimulan mo ang paglalakbay sa buhay, sa direksiyong pipiliin mong tahakin. Ito ang pagsisimula ng buhay, na sana ay magbigay sa iyo ng kaligayahan at kakuntentuhan.
-Manny Villar