DALAWANG buwan na halos ang nakaraan nang mag-reshuffle ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) upang patunayan na “apolitical” o walang kinikilingan na pulitiko ang buong organisasyon.
Magandang galaw ito para kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde; naaayon at napapanahon lalo pa nga’t maraming miyembro ng PNP – mahigit isang libo ang mga na re-shuffle – ang naitalang may mga kamag-anak na kandidato sa halalan sa Mayo 13, 2019.
Pero teka muna, nito lang nakaraang linggo ay may narinig akong alingasngas na ayaw kong paniwalaan, dahil ang tinatamaan nito ay ang pamunuan ng hinahangaan kong tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang tinaguriang “premier investigating arm” ng PNP.
May bintang kasi ang ilang supporter ng ilang pulitiko sa Abra na nagagamit umano sa pamumulitika ang ilang operatiba ng CIDG—ang sentro ng reklamo ay mismong si CIDG Director Amador V. Corpus.
Ang puno’t dulo ng alingasngas ay dahil sa ang asawa ni CIDG Director Corpus na si Victoria “Vicky” Corpus ay tumatakbo sa “lone congressional seat” sa Abra bilang representante ng PDDS-DPP.
At ang reklamo ay nag-ugat sa panghihimasok umano ng ilang operatiba ng CIDG-Abra regional office sa mga “political violence” na naganap sa lalawigan, na iniimbestigahan ng Abra Police Provincial Office.
May ilang insidente pa nga na mismong mga operatiba ng CIDG ang nakasama sa reklamo na hina-harrass umano ang ilang supporters ng kalaban sa pulitika ng asawa ni CIDG Director Corpus.
Ayoko sanang paniwalaan ang mga ganitong balita laban sa CIDG, dahil sa sobrang respeto ko sa organisasyong ito, at baka rin “fake news” lang ang aking mga naririnig. Pero nang makatanggap ako ng kopya ng isang reklamo na inihain sa tanggapan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año—aba’y totoo na pala ito!
Dapat na bigyang-pansin agad ito ni PNP Chief Albayalde para mapatunayan niyang “apolitical” talaga ang pinamumunuan niyang ahensiya, gaya ng naging pahayag niya nang mag-reshuffle siya noong Marso 6, 2019: “As non-partisan and deputized law enforcement agency of the Commission on Elections (Comelec), we strongly and firmly remain faithful to our apolitical mandate to ensure and protect the will of the electorate towards honest, orderly and peaceful elections.”
Mabigat kasi ang naging tagubilin ni Pangulong Rodrigo R. Duterte hinggil sa pamumulitika ng PNP at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nang sabihin niya: “Don’t indulge in partisan politics!”
Batay sa mga reklamong ipinadala kay DILG Secretary Año, nagkaroon ng magkakasunod na “political violence” sa ilang barangay sa Abra, at ang mga naging biktima ay pawang “supporters” ng kalaban sa pulitika ng asawa ni CIDG Director Corpus na si incumbent Congressman Joseph Sto. Niño Bernos, ng PDP-Laban.
Sa nangyaring mga “political violence” sa bayan ng La Paz sa nakalipas na dalawang buwan, ang dalawang huling biktima ay sina Nicanor P. Turqueza, isang engineer sa city hall ng lalawigan, na binaril habang pauwi mula sa trabaho; at Crispin Aquino Abbago, 43, empleyado ng National Commission on Indigenous People (NCIP).
Malaking hamon ito sa liderato ni PNP Chief Albayalde. Kilala ko siya noon pa na isang professional na opisyal ng PNP, kaya naniniwala ako na nararapat na desisyon ang gagawin niya sa reklamong ito!
(Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].)
-Dave M. Veridiano, E.E.