IBANG klaseng mangampanya si Pangulong Duterte para sa kanyang mga kandidato, lalo na para sa pagkasenador.
Normal lang na purihin niya ang mga ito para malaman ng mga mamamayan ang kanilang katangian upang mapatnubayan ang mga ito sa kanilang pagboto. Kahit paano, mayroon silang maaasahan. Kung tutuparin ng mga kandidato ang mga inilako ng Pangulo na gagawin nila, ibang usapan ito.
Normal din sa ating pulitika lalo na kung panahon ng halalan, ang magbatuhan ng putik ang mga kandidato, ang siraan nila ang kani-kanilang kalaban. Pero hindi normal, at hindi maganda sa panlasa, na ang Pangulo mismo ang gumawa ng ganitong paraan.
Hindi bale sana kung binabatikos niya ang oposisyon, lalo na iyong mga kalaban ng kanyang mga ikinakampanyang kandidato, sa isyu at kakayahang gampanan ang tungkulin ng puwestong kanilang tinatakbuhan.
Ang problema, malayo na sa isyu at kawalipikasyon ng mga kalaban ang itinatalumpati niya, pinaglalaruan at ginagawa pa niyang katawa-tawa ang hitsura at pagkatao ng mga ito. Personal at below the belt, ‘ika nga, kung alipustahin niya ang kanilang mga kalaban.
Ang mga kandidato ng oposisyon, na ang tinaguriang “Otso Diretso”, ay sina Marawi civic leader Samira Gutoc, dating Interior Secretary Mar Roxas, Magdalo Rep. Gary Alejano, dating Solicitor General Florin Hilbay, election lawyer Romy Macalintal, dating Deputy Speaker Lorenzon “Erin” Tanada, re-electionist Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino, at human rights lawyer Jose Manuel “Chel” Diokno.
Maliban sa matapang, matalino at maprinsipyong Marawi civic leader na si Samira Gutoc, lahat ay lumasap ng personal na pagkutya mula sa Pangulo. Ayon sa Pangulo, babae raw kasi ito. Pero, ilang beses na nating narinig ang Pangulo na sinasalbahe ang kakabaihan tulad ng kanilang kasambahay at ng Australyanong misyonera na pinatay sa kulungan sa Davao. Pabiro pa niyang pinagnasahan ito dahil maganda kahit patay na.
Ang duda ko, ayaw niyang kutyain si Samira Gutoc dahil mahal ito ng kababaihang Muslim at baka maging dahilan ng pag-aalsa ng mga ito at iba pang kababaihan laban sa Pangulo, at sa kanyang mga kandidato.
Ayon sa Pangulo, nagtapos si Roxas sa “Watsons” bilang panlalait niya sa degree nito sa Wharton University. Si Bam Aquino, kamukha lang daw ng sikat nitong tiyuhing si dating Sen. Benigno Aquino, Jr.. Masamang kandidato raw si Alejano dahil miyembro ito ng Magdalo, na tatlong beses na nag-alsa laban kay dating Pangulong Gloria.
Sinabi rin ni Duterte na makapal daw ang mukha ng leftist na si Tañada, na gaya ni Diokno, ay mga responsable sa pagpapatuloy ng paghihimagsik ng mga komunista. Tinawag din niyang “small time lawyer” si Macalintal, na kaunti ang kinikita, habang si Hilbay daw ay mukhang pagong.
Gahol na sa pinansiyal, ganito pa maliitin ng Pangulo ang mga kandidato ng Otso Diretso. Sa totoo lang, tagilid ang laban ng mga ito. Minu-minuto nasa bawat programa sa telebisyon ang Pangulo at nag-eendorso ng kanyang mga kandidato.
Maghahalalan na nasa ilalim ng martial law at Comelec control ang Mindanao at iba pang bahagi ng bansa. Kuwarta, lakas, tapang at matabil na dila ang puhunan ng Pangulo para sa kanyang mga kandidato. Kung uubra ang mga ito sa taumbayan, malalaman natin pagtapos ng halalan.
Makapangyarihan ba sila o biktima?
-Ric Valmonte