DAHIL sa pagkabigong magbigay ng sapat na supply ng tubig sa libu-libong kabahayan sa bahaging silangan ng Metro Manila at parte ng Rizal, pinatawan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang Manila Water (MW) ng multang P1.14 bilyon. Ang Manila Water ay pag-aari ng multi-milyonaryong Ayala Family.
Ang parusang multa ng MWSS na ipinataw sa MW ay P534.05 milyon dahil sa pagkabigong matugunan ang service requirement nito o pagkakaloob ng supply na tubig, at P600 milyon na gagamitin para sa development ng bagong water supply sources. Ang nasabing multa ay bukod pa sa self-imposed penalty na P500 milyon, na ibabalik sa mga customer na apektado ng kawalan ng tubig.
oOo
May 24 na simbahang luma at matatanda na (heritage churches) sa Pampanga ang ipinasara muna dahil sa naganap na lindol kamakailan. Iniutos ng Archdiocese of San Fernando ang pagpapasara sa mga luma at matatandang simbahan upang matiyak na hindi apektado ang mga ito o baka gumuho habang nagdaraos ng misa sa loob.
“No caren la simba”, sambit ng isang kabalen na kasama ko sa pag-inom ng kape. Tinanong ko ang aking ex-GF kung ano ang ibig sabihin nito. “Saan daw magsisimba” kung sarado ang mga simbahan.
Oo nga naman, saan magsisimba ang mga Kapampangan. Nagbibiro ang kaibigan ko: “Puwede naman sigurong magmisa ang pari sa ilalim ng mangga o akasya habang sarado ang simbahan.” Puwede nga, ligtas pa at mahangin.
Hindi lang sa Luzon nagkalindol (Castillejos, Zambales). Niyanig din ng lindol ang Visayas (San Julian, Eastern Samar). Noong Miyerkules, nilindol din ang mga probinsiya ng Davao. Ang magkakambal na lindol ay may 4.7 magnitude. May kahinaan ang dalawang lindol kumpara sa Luzon at Visayas. “Mukhang takot pati lindol kay PRRD,” badya ng palabirong kaibigan.
oOo
Sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), umangat ang net satisfaction rating ni Vice President Leni Robredo. Tumaas ng 15 porsiyento ang kanyang rating sa first quarter o unang tatlong buwan ng 2019.
Naniniwala si beautiful Leni na ang pag-angat ng kanyang satisfaction rating ay bunsod ng isinusulong niyang programang Angat Buhay para sa mahihirap na tao. Ayon sa kanya, patunay ito na ang kanyang pagsisikap para sa mamamayan ay kinikilala at nararamdaman.
Sa survey ng SWS na ginawa noong Marso 28-31, 2019, lumilitaw na 63 porsiyento ng mga Pilipino ay nasisiyahan at 21 ang ‘di nasisiyahan sa kanyang performance kung kaya ang net satisfaction score ay +42 o “good”.
Sa Mindanao, ang net satisfaction rating niya ay tumaas ng dalawang puntos na mula sa +31 ay naging +33. Umangat ng 26 na puntos ang kanyang rating sa balance Luzon mula sa +20 at naging +46 na nitong Marso. Tumaas din ito sa Visayas na +65 mula sa dating +48.
Sa kaso ni Speaker Arroyo, nagtamo siya ng -17 poor rating. Dati ay -21 net rating ito noong Disyembre 2018. Mahina rin o “poor” ang nakamit ni Arroyo sa Visayas at Mindanao.
Anyway, hindi naman daw lahat ng survey ay dapat paniwalaan. Sa mga survey nga raw ng SWS at Pulse Asia tungkol sa Magic 12 sa pagka-senador, hindi kapani-paniwala ang pag-angat ng ilan at ang pagkalaglag ng ilang kandidato ng Otso Diretso.
-Bert de Guzman